Home NATIONWIDE Luzon plants shutdown ipatutupad sa weekend

Luzon plants shutdown ipatutupad sa weekend

Nanawagan ang Department of Energy (DOE) sa mga konsyumer sa Luzon na magtipid ng kuryente habang isinasagawa ang maintenance shutdown ng mga planta ng natural gas mula Marso 29 hanggang 31.

Sa kabila ng pansamantalang pagsasara ng South Premiere Power Corporation (SPPC) at Excellent Energy Resources Inc. (EERI), walang inaasahang red o yellow alert, bagaman maaaring tumaas pansamantala ang presyo ng kuryente sa spot market.

Ang maintenance ay bahagi ng pagtatapos ng LNG storage tank ng Linseed Field Corporation.

Muling ikokonekta ang EERI sa grid sa Marso 30, 8:30 p.m., habang susunod ang SPPC Block 1 sa 9 p.m. Ang parehong planta ay aabot sa buong kapasidad na 1,350 MW pagsapit ng Marso 31, 6:30 a.m. Ipinlano ito ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) upang maiwasan ang malaking epekto sa suplay ng kuryente.

Tiniyak ng Meralco na sapat ang reserba ng kuryente ngunit mananatiling naka-alerto, handang i-activate ang Interruptible Load Program (ILP) kung kinakailangan.

Dahil sa inaasahang pagtaas ng temperatura kasunod ng pagtatapos ng Northeast Monsoon, hinihikayat ng DOE ang publiko na magtipid ng kuryente sa pamamagitan ng paggamit ng natural na liwanag at pagtatakda ng aircon sa 24–26°C upang mapanatiling balanse ang demand sa kuryente. RNT