Home HOME BANNER STORY Luzon, Visayas grids naka-red alert ngayong Huwebes

Luzon, Visayas grids naka-red alert ngayong Huwebes

MANILA, Philippines – Nakatakdang ilagay sa red alert ang Luzon at Visayas grids ngayong hapon at gabi ng Huwebes, Mayo 23.

Ayon sa abiso ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), ang Luzon grid ay ilalagay sa red alert mula ala-1 ng hapon at mula alas-6 ng gabi hanggang alas-10 ng gabi.

Ilalagay din ito sa yellow alert mula alas-12 ng tanghali hanggang ala-1 ng hapon, at alas-5 ng hapon hanggang alas-6 ng gabi, at alas-10 ng gabi hanggang alas-12 ng hatinggabi.

Inilalabas ng NGCP ang red alert status kapag ang suplay ng kuryente ay kulang para matugunan ang consumer demand at ang regulating requirement ng transmission grid.

Samantala, ang yellow alert naman ay inilalabas kapag ang operating margin ay kulang para tugunan ang contingency requirement ng transmission grid.

Ang kasalukuyang available capacity sa lugar ay 13,531 megawatts, at ang peak demand ay mas mataas sa 13,597 megawatts.

Nasa kabuuang 2,525.5 megawatts ang kasalukuyang hindi available sa grid dahil naka-forced outage ang 18 power plants. Tatlo sa mga ito ang naka-forced outage mula pa noong 2023, apat mula Enero hanggang Marso 2024, at 11 mula Abril hanggang Mayo 2024.

Tatlong power plants naman ang kasalukuyang tumatakbo sa derated capacities.

Samantala, ang Visayas grid ay ilalagay din sa red alert mula alas-2 ng hapon hanggang alas-4 ng hapon, at mula alas-6 ng gabi hanggang alas-7 ng gabi.

Sa pagitan ng mga schedule na ito, ang grid ay nasa yellow alert din mula alas-12 ng tanghali hanggang alas-2 ng hapon, alas-4 ng hapon hanggang alas-6 ng gabi at alas-7 ng gabi hanggang alas-10 ng gabi.

Ang kasalukuyang available capacity sa Visayas ay 2,588 megawatts habang ang peak demand ay 2,537 megawatts.

Tatlumput isang power plants ang kasalukuyang naka-forced outages, isa mula pa noong 2022, dalawa mula 2023, dalawa mula Enero hanggang Marso 2024, at 16 sa pagitan ng Abril at Mayo 2024.

Tatlo rin ang tumatakbo sa derated capacities. RNT/JGC