MANILA, Philippines — Isang magnitude 5.5 na lindol na itinuturing na aftershock ng magnitude 7.8 na lindol sa Sarangani noong nakaraang linggo ang yumanig malapit sa Glan, Sarangani nitong Lunes ng gabi, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Naitala ang pagyanig dakong 11:30 p.m. at natukoy ang sentro nito sa layong 18 kilometro timog-silangan ng Glan na may lalim na 44 kilometro. Una itong iniulat na magnitude 5.8 bago ibinaba sa magnitude 5.5.
Ayon sa PHIVOLCS, tectonic ang pinagmulan ng lindol at isa itong aftershock ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa karagatan ng Sarangani noong Hunyo 8.
Naramdaman ang Intensity V sa Sarangani, Davao Occidental; Kiamba, Sarangani; at General Santos City. Naitala naman ang Intensity IV sa ilang lugar sa Davao Occidental, Sarangani, South Cotabato, at Sultan Kudarat.
Naramdaman din ang mas mahinang pagyanig sa ilang bahagi ng Cotabato, Davao del Sur, Bukidnon, at Davao City.
Sinabi ng PHIVOLCS na walang inaasahang pinsala mula sa lindol at wala ring inaasahang mga kasunod pang aftershock. Santi Celario