MANILA, Philippines – Pinag-iisipan na ng Commission on Elections (Comelec) na isulong sa mas maagang iskedyul ang paghahain ng certificates of candidacy (COC) para sa 2028 elections.
Sinabi ni Comelec chairman George Garcia, sa halip na Oktubre sa 2027 ay pinaplano nilang isagawa ang filing of candidacy ng Hulyo ng nasabing taon.
Paliwanag ng poll chief, ito ay upang magkaroon ng sapat na panahon para resolbahin ang mga posibleng kaso.
Ayon kay Garcia, kung Oktubre 1 hanggang 8 ang filing period, reresolbahin nila ang lahat bago matapos ang Nobyembre.
Kapag Hulyo, maaari nang gumawa ng desisyon hanggang sa antas ng Commission en banc sa Setyembre kung saan mayrooong hanggang Disyembre para pumunta sila sa Supreme Court.
Sinabi ni Garcia na ang seven-man panel ng Comelec ay may kapangyarihan na baguhin ang iskedyul ng aktibidad kaugnay sa halalan sa bansa.
Gayunman, sinabi ng poll chief na ang COC filing period ay magkakaroon din ng epekto sa iba pang aspeto ng halalan.
Kung gagawin aniya ang COC filing ng Hulyo, kailangang tapusin ang registration ng mga botante bago mag-Hulyo bukod pa sa maraming isyu din ang kailangang isaalang-alang.
Para sa 2025 elections, isinagawa ang paghahain ng COC mula Oktubre 1 hanggang 8, 2024. Jocelyn Tabangcura-Domenden