Home NATIONWIDE NPO itinalaga ng Comelec sa mas mabilis, mahusay na pag-imprenta ng balota

NPO itinalaga ng Comelec sa mas mabilis, mahusay na pag-imprenta ng balota

MANILA, Philippines – Sa unang pagkakataon ay itinalaga ng Commission on Elections (Comelec) ang National printing Office (NPO) upang makatulong na matiyak ang mas mabilis at mas mahusay na pag-imprenta ng balota para sa halalan sa Mayo 12.

Sinabi ni Comelec Chairman Erwin George Garcia na sa pamamagitan ng pag-deputize sa NPO, maaaring pakilusin ng Comelec ang mga tauhan nito na parang mga empleyado ng poll body.

Ayon kay Garcia, maglalabas ng resolusyon para gawing pormal ang deputization ng NPO.

Sinabi ni Garcia na sisimulan muli ang pag-imprenta ng mga opisyal na balota sa Miyerkules, Enero 14 para sa halalan sa Mayo at sa Bangsamoro parliamentary elections.

Ayon pa kay Garcia, hindi na umano nila kakayanin ang isa pang pagkaantala dahil ito ay nakakapekto sa paghahanda para sa nalalapit na halalan.

Tatagal ang muling pag-imprenta ng balota hanggang Abril 14 para makumpleto.

Nitong Lunes, muling nagsagawa ng panibagong trusted build para isama ang mga pagbabago sa Election Management System, Automated Counting Machines, Consolidation and Canvassing System, at Online Voting and Counting System para sa May 2025 elections. Jocelyn Tabangcura-Domenden