Home NATIONWIDE Maayos at mabisang paggasta ng pondo sa edukasyon, hirit sa Senado

Maayos at mabisang paggasta ng pondo sa edukasyon, hirit sa Senado

MANILA, Philippines – Bagama’t makatutulong ang dagdag na pondo upang matugunan ang problema sa sektor ng edukasyon, naniniwala si Senador Sherwin Gatchalian na higit pa rito ay mas mabisa at tamang paggamit ng resources o mas mainam na paggasta ng pondo.

Kasunod ito ng pinakahuling pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) na nagsasabing nakakaapekto sa mababang ranking ng Pilipinas sa mga international large-scale assessment ang mababang pondong inilalaan ng bansa sa edukasyon.

Binalikan ni Gatchalian ang naging resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), kung saan lumabas na may ilang mga bansang nagkaroon ng mas mataas na learner performance kahit na hindi sila gumasta ng masyadong malaki para sa edukasyon.

Binigyang diin ng mambabatas ang performance ng Vietnam na may average score na 468, mas mataas sa 353 ng Pilipinas at mas mababa lamang ng bahagya sa 478 na average mula sa mga bansang kabilang sa Organisation for Economic Co-Operation and Development (OECD). Ang OECD ang organisasyon na nagsasagawa ng PISA.

“Tulad ng nakita natin sa Vietnam, hindi lamang mas mataas na pondo ang susi sa tagumpay ng edukasyon. Kailangang tiyakin din natin ang mabisang paggasta at paggamit ng mga resources,” ani Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.

Parehong mas mababa sa USD 20,000 ang ginastos ng Pilipinas at Vietnam para sa mga taong ginugol sa pag-aaral ng kanilang mga 15-taong-gulang na mga mag-aaral. Kung susumahin, ang ginastos ng Pilipinas ay katumbas ng USD 11,000 kada mag-aaral, habang USD 13,800 naman ang sa Vietnam.

Gumagasta ang Vietnam ng 4.06% ng Gross Domestic Product (GDP) nito para sa edukasyon. Ang Pilipinas naman, nasa 3.8% ng GDP. Bagama’t mas mataas na porsyento ng GDP ang ginagastos ng Vietnam, hindi nalalayo ang nominal spending nito sa Pilipinas na may mas mataas na GDP (USD 394.1 billion) kung ihahambing sa Vietnam (USD 366.1 billion), batay sa 2021 nominal figures.

Bagama’t hindi nagkakalayo ang dalawang bansa pagdating sa nominal education spending, lumalabas na nahuhuli ang Pilipinas sa Vietnam ng 5.75 taong katumbas ng pag-aaral. Kung ihahambing naman sa ibang bansang bahagi ng OECD, lumalabas na nahuhuli ang Pilipinas ng 6.25 taon.

Mas mataas din ang performance ng mga tinaguriang poorest households sa Vietnam kung ihahambing sa mga mag-aaral ng Pilipinas. Ang mga mag-aaral sa Pilipinas na kabilang sa pinakamababang 10% ng Economic, Social, and Cultural Status (ESCS) ay nakakuha ng average score na 336, mas mababa ng 91 puntos kung ihahambing sa average score na 427 ng mga poorest 10% na mga mag-aaral ng Vietnam.

“Kailangang matuto tayo mula sa halimbawa ng Vietnam na halos kapareho natin pagdating sa gastos sa edukasyon, ngunit may mas mataas na antas ng learner performance,” ani Gatchalian. Ernie Reyes

Previous article3 aktibong pulis na sangkot sa pagnanakaw sa POGO supervisor kinasuhan na
Next articleBagong batch ng K-12 graduates sisikaping mabigyan ng NC1, NC2 para makapagtrabaho