Home METRO 3 aktibong pulis na sangkot sa pagnanakaw sa POGO supervisor kinasuhan na

3 aktibong pulis na sangkot sa pagnanakaw sa POGO supervisor kinasuhan na

MANILA, Philippines – Kinasuhan at pinangalanan na sa naganap na press conference ang 3 pulis na sangkot pagnanakaw sa bahay ng isang Indonesian national at POGO Supervisor na nanganganib na matanggal sa pagkapulis, kahapon ng umaga, Marso 5.

Matatandaan na naganap ang insidente noong Pebrero 13, ganap na alas-5 ng hapon nang pasukin ng hindi bababa sa 10 armadong kalalakihan ang bahay ng biktimang si Fendy Apriyanto, nasa hustong gulang, POGO supervisor at residente ng Grand Centennial Home, Brgy. Magdalo Putol, Kawit, Cavite.

Iginapos ng mga suspek ang biktima, security guard, mga staff, katulong at bodyguard na nasa loob ng bahay at sinimulang limasin ng mga ito ang alahas at pera ng mga biktima.

Sa pag-iimbestiga ng pulisya at sa tulong na rin ng ilang impormasyon na nakuha ng mga ito, nakuha ang impormasyon ng mga suspek na tatlo sa mga ito ay pawang mga pulis.

Sa ginanap na press conference na pinangunahan ni PBGen Paul Kenneth T Lucas, Regional Director, Cavite Provincial Director Police Col Eleuterio Ricardo Jr, at Kawit Police Chief Lt Richard Corpuz, pinangalanan na ang tatlong pulis na sangkot sa naganap na insidente.

Ito ay kinilalang sina Police Sr Master Sergeant Jhon Paolo Maigue Mellona, naka-assign sa Cavite Provincial Intelligence and Detective Management Unit, di umano’y may-ari ng van na ginamit sa insidente, Police Senior Master Sergeant Reynaldo Andrada Quilit Jr, naka-assign sa Provincial Intelligence Unit, Cavite PPO at Police Corporal Lynard Pastrana Pareja, naka-assign sa Provincial Drug Enforcement Unit ng Laguna PPO.

Habang pansamantalang hindi muna pinangalan ang apat na sibilyan na kasama ng mga ito.

Sa naunang ulat, milyong piso ang umano’y natangay ng mga ito sa biktima, subalit ayon sa hepe na si Col. Corpuz, itinatanggi ito ng mga nasabing suspek.

Sinampahan na ng kasong robbery in band ang mga suspek at tinanggal na rin ang mga ito sa kani-kanilang pwesto at kasalukuyan ngayong nasa Regional Headquarters Holding Area Section (RPHAS) at naka-restrict custody.

Inatasan din ng Regional Director ang Regional Investigation and Detective Management Division na isailalim sa Parallel Administrative Investigation ang mga ito.

Hanggang sa kasalukuyan ay itinatanggi pa rin ng mga suspek ang kasong pagnanakaw at wala umano silang kinalaman sa insidente. Margie Bautista/Ellen Apostol