Home NATIONWIDE Maayos na trabaho pinasisiguro ni PBBM kay Nartatez bilang PNP OIC

Maayos na trabaho pinasisiguro ni PBBM kay Nartatez bilang PNP OIC

243
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni newly appointed Philippine National Police (PNP) officer-in-charge Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. nitong Miyerkules, Agosto 27 na inatasan siya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawin nang maayos ang trabaho.

“’Yung time po na nagkausap kami ni Pangulong BBM is when he ordered me to go back to Manila at magkaroon po ng changes and ensure na gampanan ang trabaho and the SILG [Secretary of the Interior and Local Government] will relay everything,” sinabi ni Nartatez sa panayam ng GMA News.

Ayon kay Nartatez, siya ay nasa Pagadian City nang matanggap ang kautusan na lumipad pabalik sa Camp Crame sa Quezon City dahil sa ilan umanong mga pagbabago.

Hindi agad-agad sinabi sa kanya ang mga pagbabagong ito hanggang sa makabalik siya sa Manila.

Matatandaan na nitong Martes ay itinalaga si Nartatez bilang bagong PNP officer-in-charge kasunod ng biglaang pag-alis sa pwesto kay Police General Nicolas Torre III bilang PNP chief.

Ito ay matapos lamang ang dalawang buwan na pag-upo ni Torre bilang ika-31 PNP chief.

Sinabi naman ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na isa sa mga naging dahilan ng pag-alis kay Torre bilang PNP chief ay ang pagpalag niya sa kautusan ng National Police Commission (NAPOLCOM) sa reassignment ng ilang key officials.

Samantala, itinanggi naman ni Nartatez na mayroong paksyon ng Philippine Military Academy (PMA) at Philippine National Police Academy (PNPA) graduates sa PNP kasunod ng pag-alis kay Torre. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here