Home OPINION  MABILOG, UMEKSENA SA QUAD COMM HEARING

 MABILOG, UMEKSENA SA QUAD COMM HEARING

AGAW-EKSENA talaga itong si dating Iloilo City Mayor Jed Mabilog sa kanyang pagharap sa House Quad Committee kung saan walang humpay na batikos ang inihambalos niya kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Dapat sana ay kaugnay sa iligal na Philippine Offshore Gaming Operators sa bansa ang tatalakayin ng QuadComm subalit sa pagsulpot ni Mabilog sa pagdinig ay humingi ng ilang minuto para basahin ang kanyang salaysay.

Dahil mabait at maayos kausap ang Committee Chairperson na si Rep. Ace Barbers, binigyan si Mabilog ng ilang minuto ngunit inabot din ng halos 20 minuto ang kanyang pahayag.

Nagamit din ang oras ng Komite sa pagtatanong kay Mabilog kahit wala siya sa agenda.

Naiiyak na pinaliwanag ni Mabilog, napilitan siyang abandonahin ang kanyang puwesto at mga kababayan sa Iloilo City at nagtago nang pitong taon sa ibang bansa dahil sa takot sa kanyang buhay.

Paliwanag ni Mabilog, nagsimula ang lahat nang isama siya ni Duterte sa narco-list at tinawag na protektor ng mga sindikatong sangkot sa ilegal na droga nang walang anumang matibay na batayan.

Ayon pa sa dating alkalde, ilang beses din daw siyang pinagbantaan ni Duterte sa mga talumpati at mas lalo siyang natakot nang inanunsiyo ni Duterte sa telebisyon na iniutos niya ang pagsalakay sa bahay ni Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog Sr. na humantong sa pagkamatay ng 15 katao, kabilang na ang alkalde at asawa.

Ito raw ang dahilan kung bakit nagpasya siyang abandonahin ang kanyang mga kababayan at manatili sa ibang bansa ng pitong taon, giit pa ni Mabilog.

Malayong-malayo si Mabilog kay dating Senador Leila de Lima na hindi umalis ng bansa at buong tapang na hinarap ang mga kasong isinampa sa kanya hanggang ibasura ng mga ito ng hukuman.

Kasi nga naninindigan si De Lima na wala siyang ginawang masama.

Kaya naman kahit pa naghuhugas-kamay itong si Mabilog ay plano pa rin ng Department of Justice na gisahin siya tungkol sa kanyang kinalaman sa iligal na droga.

May kaso rin si Mabilog na graft sa Sandiganbayan ukol sa kanyang pakikialam sa pag-award ng kontrata sa isang towing service company na mayroon siyang interes.

Pinatalsik din si Mabilog sa puwesto ng Office of the Ombudsman matapos mapatunayang guilty sa “serious dishonesty” kaugnay ng ilegal na yaman at pinatawan ng perpetual disqualification sa paghawak ng anumang puwesto sa gobyerno.

Marami ang naniniwala na bumalik si Mabilog sa bansa para bawiin ang dating puwesto, dahil bumalik ito tatlong linggo bago ang paghahain ng certificates of candidacy para sa 2025 national at local elections.