Home OPINION ‘SELF-RELIANT’ WASTE DISPOSAL SCHEME NG NAVOTAS, KAPURI-PURI

‘SELF-RELIANT’ WASTE DISPOSAL SCHEME NG NAVOTAS, KAPURI-PURI

Hindi maikakaila na ang basura ay isa sa napakatagal ng problema na kinakaharap ng Local Government Units sa Metro Manila at urban cities sa bansa.

Ang basura na sinisising dahilan ng pagbaha ay palaging tema nang diskusyon sa pagitan ng mga pinuno ng pamahalaan kung paano ito masosolusyonan.

Pero sa kabila ng mga proyekto’t programa na ginagawa’t isinakatuparan ng gobyerno ay hindi nawawala, bagkus ay lalong nagiging problema ang basura.

Sa mga LGU sa MM,  maliban sa Navotas,  basura ang isa sa pinopondohan ng malaking alokasyon pero bakit nagkalat pa rin ang basura sa kapaligiran.

Sa ‘developed countries’, halimbawa’y Japan at Singapore, ang mga lungsod at bayan dito ay ‘self-reliant’ o sariling sikap ang pagtugon sa problema sa basura.

Ang mga bansang ito ay mayayaman pero mas ninanais na walang milyones na kontrata dahil sila mismo ang gagawa at didiskarte sa kanilang waste disposal.

Pero lingid pala sa ating kaalaman, ang LGU ng Navotas ay ‘di na umaasa sa  garbage truck contractor para mahakot ang kanilang araw araw na dumi o basura.

Dahil iwinaksi ang kontrata sa garbage hauling ay nakatitipid ang city ng P45 million kada taon na nagagamit nila sa mas kapakipakinabang na proyekto’t programa para sa Navoteños.

Ang pamahalaang lungsod ay may sariling mga truck na iikot sa highway bukod pa sa  mini-trucks naman na hahakot sa mga looban at maliliit na kalye.

Ganito ang sistema – hahakutin ng mga kariton o pushcart  sa looban na magdadala sa nag-aantay na mini-trucks sa mga kalye at diretso sa hauling trucks sa highway kaya walang nakakalat na basura sa kapaligiran.

May oras din kung ilabas ng mga residente ang mga basura sa bahay o sa compound  para  mapadali, maayos at maging synchronize ang koleksyon ng basura.

No wonder,  malinis ang lungsod. At kahit na napapaligiran ng dagat at ilog,  madaling humuhupa ang baha dahil sa cheap but strict garbage management ng Navotas LGU.

Kapuri-puri ang scheme na ito na pinaiiral ni Mayor John Rey Tiangco na dapat tularan ng mga LGU na hanggang ngayon ay kinikilkil pa ng problema sa basura.