MANILA, Philippines – Hinikayat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga mallgoer na gamitin ang “Mabuhay Lanes” bilang alternatibong ruta sa halip na dumaan sa EDSA sa inaasahang holiday rush.
Sinabi ni MMDA Swift Traffic Action Group Commander Edison “Bong” Nebrija na makakatulong ito sa pagpapagaan ng traffic congestion sa major thoroughfare, at binanggit na ang Mabuhay Lanes ay humahantong din sa iba’t ibang mga mall sa Metro Manila.
“Iyon nga rin po ang paalala namin sa ating mga kababayan na kung ang gagawin lang naman po ninyo ay mag-shopping o mamasyal sa Metro Manila, we suggest to take mabuhay lanes para hindi na po l kayo sasabay doon sa mga regular commuters ng Metro Manila,” aniya.
“Mas okay pa po sa inyo iyan dahil mas relax po iyong travel ninyo kaysa magta-travel kayo sa EDSA hahalo na kayo sa regular commuters ng Metro Manila, eh mata-traffic din po kayo kasabayan nila,” dagdag niya.
Nauna nang inihayag ng MMDA na may bisa rin ang adjusted mall hours simula Nobyembre 17 hanggang Disyembre 25 mula 11:00 a.m. hanggang 11:00 p.m. maliban sa weekends at holidays.
Samantala, papayagan lamang ang paghahatid sa mga mall sa pagitan ng 11:00 p.m. at 5:00 a.m.
Gayunpaman, nang humingi ng paglilinaw sa iskedyul ng pinalawig na oras ng mall, tumugon si Nebrija “Hanggang first week po ng January. Marami pa rin pong namamasyal after Christmas eh”.
Sinuspinde rin ang mga roadwork gaya ng paghuhukay.
“Eh kung mayroon na pong existing diggings iyan, ang ano namin, is takpan muna nila ng metal plates para ng sa ganoon madaanan po,” ayon kay Nebrija, idinagdag na ang Flagship projects ay hindi kasama sa suspensiyon upang hindi ma-delay ang implementasyon nito.
“Iyong not emergency in nature na mga projects ng DPWH, we have also asked if they could suspend it for a while until the end of Christmas season,” dagdag niya. RNT/MND