Home NATIONWIDE Mag-asawa kalaboso sa human trafficking

Mag-asawa kalaboso sa human trafficking

MANILA, Philippines- Sinampahan ng pormal na kaso ang isang lalaki at kanyang asawa dahil sa pagtatangkang magpadala ng tatlong Pinay sa Dubai, United Arab Emirates noong Abril 8.

Inaresto ang mag-asawa ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI), makaraang maaktuhan habang ini-escort ang kanilang tatlong “biktima” sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT), kinasuhan ang mag-asawa ng mga paglabag sa Republic Act (RA) No. 8042, Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995; at RA No. 9208, Anti-Trafficking in Persons Act of 2003; at estafa sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code (RPC).

Nabatid pa sa IACAT na kasalukuyang nasa kustodiya na ng NBI Detention Center ang mag-asawang suspek.

Anila, inendorso naman ang mga biktima sa Department of Social Welfare and Development upang mabigyan sila ng kaukulang tulong.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, nakita umano ng mga biktima ang alok na trabaho ng mag-asawa mula sa isang Facebook post.

“Dahil sa mataas na sweldo na nagkakahalagang P23,000 to P26,000, ninais nilang mag-apply bilang taga-linis ng bahay at taga-alaga,” ayon sa IACAT.

Napag-alaman din umano ng mga imbestigador na nagbayad din ang mga biktima ng kabuuang P90,000 sa mag-asawa para iproseso ang kanilang aplikasyon sa trabaho.

Matapos umano magbayad ng halaga, ibinahagi ng tatlong Pinay na sumailalim sila sa isang briefing sa Baguio City kung paano ipapasa ang immigration inspection.

Sinabi rin sa kanila na sasamahan sila ng mag-asawa sa Malaysia para wala silang problema sa kanilang paglalakbay.

Kinumpirma naman ng Department of Migrant Workers na hindi awtorisado o lisensyado na mag-recruit ng mga manggagawa para sa trabaho sa ibang bansa ang mga suspek. JAY Reyes