Home NATIONWIDE PCG magde-deploy ng 6 barko para sa Balikatan exercise

PCG magde-deploy ng 6 barko para sa Balikatan exercise

MANILA, Philippines- Sa unang pagkakataon, ide-deploy ng Philippine Coast Guard (PCG) ang anim na barko para sa lumalawak na Balikatan war games dahil sa tumitinding tensyon sa West Philippine Sea.

Ayon kay PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo nitong Miyerkules , apat na 44-meter multi-role response vessels (MRRVs) at dalawang mas malaking patrol vessels ang ipakakalat sa ehersisyo na magsisimula sa susunod na linggo.

Magkakaroon din ng trilateral patrols sa pagitan ng Pilipinas, United States at France sa West Philippine Sea, ngunit hindi pa malinaw kung lalahok ang PCG sa kaganapang ito.

Sa ngayon, ang PCG ay may dalawang 97-meter MRRV, na siyang pinakamalaking sasakyang-dagat sa fleet nito.

Ang MRRV base sa Kunigami-class design Japan ay may maximum speed na hindi bababa sa 24 knots at tibay na hindi bababa sa 4,000 nautical miles.

Gayundin, ang PCG ay mayroon ding 10 44-meter MRRV sa fleet nito. Itinayo rin ng Japan, ang mga MRRV na ito ay mayroong karaniwang cruising speed na 25 knots at may saklaw na 1,500 nautical miles, na may mga feature kabilang ang mga fire monitor, night vision camera, radio direction finder, isang work boat, at ang bullet-proof navigational bridge.

Regular na idine-deploy ng PCG ang 44 -meter MMRVs sa resupply mission sa Ayungin Shoal pati ang humanitarian missions sa Scarborough Shoal, na naging flashpoint ng tensyon sa pagitan ng Manila at Beijing

Iginiit ng Beijing ang soberanya sa buong South China Sea, kabilang ang malaking bahagi ng West Philippine Sea, kahit na ang naturang claim ay epektibong ipinawalang-bisa sa desisyon ng internasyonal na tribunal na noong Hulyo 2016 na nagmula sa isang kasong isinampa ng Manila noong 2013. Jocelyn Tabangcura-Domenden