SAN MATEO, Isabela – Sinalubong na ni kamatayan ang mag-asawa matapos salpukin ng close van ang sinasakyan nilang tricycle sa San Antonio, San Mateo, Isabela.
Kinilala ang nasawing mag-asawang sina Diosdado Gamiao at Rosan Gamiao na residente ng Tandul, Cabatuan, Isabela.
Nakilala naman ang tsuper ng close van na si Samuel Bejuco, 32 anyos, at residente ng Negros Oriental.
Patungo ang close van sa San Mateo Proper habang nasa kasalungat na direksyon ang tricycle na pauwi na sana sa bayan ng Cabatuan.
May iniwasan umano ang tsuper ng close van dahilan kaya’t napunta ito sa kabilang linya na nagresulta naman sa pagkakasalpok nito sa tricycle na kinalululanan ng mga biktima.
Agad namang rumesponde ang mga kasapi ng Rescue San Mateo at nadala pa sa pagamutan ang mga biktima ngunit binawian din ng buhay.
Napag-alaman na galing sa ospital ang mga biktima dahil dinalhan nila ng pagkain ang ina ng babaeng biktima na nasa pagamutan.
Posibleng magkaaregluhan ang magkabilang panig ng kamag-anak ng mga biktima at suspek matapos makapag-usap ang mga ito sa himpilan ng pulisya. Rey Velasco