MANILA, Philippines – Isang trahedya ang naganap sa Iloilo City matapos masawi ang isang mag-asawang guro at ang kanilang pitong taong gulang na anak sa isang sunog.
Nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng kanilang duplex na bahay, na pinaniniwalaang dulot ng problema sa kuryente.
Ayon sa Bureau of Fire Protection, ang bahay ay itinayo noong 1960 at ang mga lumang kable nito at ilaw na palaging ginagamit tuwing gabi ay maaaring naging sanhi ng insidente.
Hindi nakalabas ang pamilya dahil sa pagkakulong sa loob ng bahay. Tinatayang ₱270,000 ang halaga ng pinsalang naidulot ng sunog.
Nagdadalamhati ang Iloilo City National High School sa pagkawala ng mag-asawang guro na 10 taon nang nagsisilbi sa paaralan bilang bahagi ng visual arts program. Malaking kawalan ang kanilang pagpanaw sa komunidad. RNT