MANILA, Philippines – Inaresto ng Philippine National Police (PNP) ang isang 38-anyos na suspek mula Pandi, Bulacan na sangkot sa pamamaril sa dalawang pulis noong Marso 8, 2025 sa isang buy-bust operation sa Bocaue, Bulacan.
Narekober sa suspek ang isang .38 caliber revolver, granada, motorsiklo na may sidecar, at pera na ginamit sa operasyon.
Patuloy na tinutugis ang mga kasabwat ng suspek, at natagpuan ang isang Honda Beat na motorsiklo na ginamit umano sa kanilang pagtakas sa Barangay Bunsuran II.
Nasawi sina Police Staff Sergeants Dennis Cudiamat at Gian George Dela Cruz sa engkwentro — si Cudiamat ay agad binawian ng buhay habang si Dela Cruz ay namatay sa kabila ng pagsisikap ng mga doktor.
Tiniyak ng PNP ang hustisya para sa mga nasawing pulis at nagpapatuloy ang pagtugis sa mga natitirang suspek. Inihahanda na rin ang mga kasong isasampa, kabilang ang paglabag sa batas ng baril, eksplosibo, at eleksyon, pati na rin ang kasong double murder. RNT