MANILA, Philippines- Naharang ng Bureau of Customs (BOC) Port of Cebu, katuwang ang Seaport Inter-Agency Drug Interdiction Task Group-VII (SIDITG-VII), ang dalawang suspek na may bitbit na 25 kilo ng Methamphetamine Hydrochloride na karaniwang kilala sa tawag na “Shabu,” na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P170 milyon sa anti-drug operation sa Pier, Cebu City.
Sa ulat ng BOC, nagsasagawa ng random na inspeksyon sa isang merchant vessel na dumarating na may mga sasakyan at kargamento nang mamataan ang isang pearl red na Mitsubishi Mirage kung saan pinigil ito para sa karagdagang inspeksyon.
Natukoy ng K9 unit sweep ang pagkakaroon ng mga ilegal na substance sa loob ng isang karton. Sa karagdagang pagsusuri, nakumpirma ang 25 plastic na pakete na naglalaman ng “shabu,” na nagresulta sa pagkakakumpiska ng mga kontrabando. Arestado ang dalawang suspek na mag-ina at kasalukuyang nasa kustodiya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region VII.
Mahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa Section 5 ng Republic Act 9165, ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na nagpaparusa sa ilegal na transportasyon, pamamahagi, at pagbebenta ng mga ipinagbabawal na sangkap. JR Reyes