MANILA, Philippines – KAPWA wala ng buhay nang matagpuan ang dalawang mag-ina sa loob ng kanilang tahanan matapos na pagsasaksakin nang hindi nakikilalang salarin, kahapon (Oct. 22, 2024 ) sa Purok 7 Barangay Pangao sa lungsod ng Lipa, Batangas.
Kinilala ng Lipa City Police Station ang mag-inang biktima na pawang nagtamo ng mga saksak sa parte ng katawan, leeg at mukha sina Rhona Lalusin, nasa hustong gulang, single parent at anak na 17-anyos na naninirahan sa nabanggit na lugar.
Base sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya dakong alas-4:26 ng hapon nang matagpuan ang mag-ina nang kapit-bahay nito na duguang nakahandusay at walang saplot pang ibaba si Rhona.
Samantala, natagpuan naman ang anak nitong lalaki sa loob ng kuwarto na may saksak sa leeg at mukha.
Napag-alaman sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya na di umano ay mayroong nagkakagustong lalaki kay Rhona kung saan kabilang ito sa tinututukan ng pulisya.
Nagsagawa na rin ng pagsisiyasat ang mga tauhan ng SOCO sa pinangyarihan ng krimen at inaalam din kung ginahasa ang biktima. Ellen Apostol