MANILA, Philippines- Todas ang magkasintahan na kapwa edad 25-anyos habang sakay ng motorsiklo matapos masalpok ng police mobile sa Marcos Highway, Barangay Inarawan, Antipolo City, Rizal nitong Lunes ng hapon.
“Malakas ang ulan at basa ang daan. Ang ating mobile ay patungo sa direksyon ng Boso-Boso, at ‘yun namang motorsiklo at jeep ay sa kasalungat na direksyon patungong Cogeo. Na-lose control ‘yung ating mobile patrol habang nagpapatrolya at pumunta sa direksyon na dinadaan ng motorsiklo tsaka ng jeep. Matapos mabangga ‘yung mobile sa motor tumilapon naman ‘yung motor paatras sa jeep na paparating sa likod,” paglalahad ni Police Captain Alnor Tagara, Investigation and Operations Chief ng Antipolo Component City Police Station (CCPS).
“‘Yun pong nakikita nating dahilan katatapos lang po ng ulan at basa po talaga ang daan. May preno naman po na-lose control lang,” wika pa ni PCapt Tagara.
Nasira ang harap ng jeep habang ligtas ang mga sakay nito.
“Nagkaroon sila ng head injury then ‘yung sa lalaki possible fracture sa left leg, then ‘yung sa babae possible fracture sa kanang braso. Pareho po silang no signs of life kaya dinala na po namin sila sa pinakamalapit na ospital,” pahayag ni Louie Cornel, Bgy. Inarawan medic.
Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang pamilya ng mga nasawi.
Kasalukuyang nasa ilalim ng kustodiya ng Antipolo Component City Police Station custodial facility ang parak na nagmaneho ng police mobile na maaaring maharap sa kasong Reckless imprudence resulting to multiple homicide with damage to property. RNT/SA