MANILA, Philippines- Walang kinalaman ang Malacañang sa paghahain ng inciting to sedition at unlawful utterance complaints laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) nitong Martes.
“Wala naman, eh. I don’t think that Malacañang should get involved in this dahil ito naman ay pure law enforcement. Ang pulis ay law enforcers. So may nakikita tayong violation of law,” pahayag ni CIDG chief Police Major General Nicolas Torre III sa isang press conference.
Nitong Lunes, naghain si Torre ng reklamo sa Department of Justice (DOJ) hinggil sa pahayag ni Duterte ukol sa umano’y pagpaslang sa incumbent senators.
Sa PDP-Laban proclamation rally, binanggit ni Duterte na lahat ng PDP-Laban candidates ay makakukuha ng pwesto sa Senado kung papatayin umano ang mga nakaupong senador.
“Patayin natin ‘yung mga senador ngayon para mabakante. Kung makapatay tayo ng mga 15 na senador, pasok na tayong lahat… Talking of opportunities, the only way to do it is pasabugin na lang natin,” wika ni Duterte.
Binanggit ni Torre na walang senador na lumapit sa CIDG ukol dito, subalit sinabing maaari silang maghain ng hiwalay na reklamo kung gugustuhin nila.
“Wala naman. At hindi rin naman namin ine-expect dahil hindi naman sila kailangan para ma-build up ang kaso. Kung gusto nilang mag-file on their own on the effect of that joke sa kanila, they can do so and we’ll welcome and entertain them in CIDG,” ani Torre.
Ipinagbigay-alam din ni Torre kay PNP Chief Police General Rommel Marbil ang tungkol sa reklamo, na umano’y suportado ito.
“I do believe this is within the mandate of the CIDG. Thus, I made the decision. But I informed the Chief PNP. I informed the higher-ups of this action. I made an official report,” ani Torre.
“Okay naman, wala pa namang caution sa akin na sinabing tumigil ako. ‘Good job,’ pa nga ang sinabi niya,” dagdag niya.
Samantala, tinawag ni dating Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ang paghahain na “foolish,” iginiit na nagbibiro lamang si Duterte.
“Ano ba itong bansa natin? Hindi ka na pwedeng magbiro? Magbibiro ka lang, fa-file-an ka na ng kaso? Wala ba tayong demokrasya?” tanong niya. RNT/SA