ILOCOS SUR, Philippines – Hindi nakaligtas sa kalawit ni Kamatayan ang dalawang lalaking magkapatid matapos bumangga ang kanilang motorsiklo sa nakasalubong na Isuzu Aluminum Wing Van truck sa national highway sa Brgy. Ubbog, Santiago ng lalawigang ito nitong madaling-araw ng Miyerkules, Mayo 6.
Ayon sa Santiago Municipal Police Station, ang dalawang nasawi ay edad 33 at 30, parehong residente ng Brgy. Mambug, Santiago, Ilocos Sur.
Ang 43-anyos na driver naman ng wing van truck ay residente ng Santa Cruz, Pamploona, Cagayan.
Bumibiyahe papuntang timog ang truck samantalang papunta naman ng kabilang direksyon ang motorsiklo.
Pagsapit sa lugar na pinangyarihan ng insidente, hinihinalang na-overhoot ang driver ng motorsiklo kaya nasakop nito ang linya ng truck.
Tinangka umanong iwasan ng driver ng truck ang motorsiklo pero hindi pa rin napigilan ang banggaan ng dalawang sasakyan.
Parehong nagtamo ng fatal injuries ang magkapatid na agad isinugod sa Candon General Hospital.
Gayunman, ang dalawa ay idineklarang dead on arrival ng umatending doktor.
Hindi naman nasaktan sa naturang insidente ang driver ng truck at ang dalawang lalaking helper nito. Rolando S. Gamoso