NAGSIMULA na ang Simbang Gabi kahapon sa ating bansa na nakararami ang niniwala sa halaga ng Pasko.
Sabi nila, mamilagro ang Simbang Gabi lalo’t panahon ito ng maraming araw na pagdarasal.
Pero higit na mamilagro lahat kung manikluhod ka sa katotohanang kay Kristo Jesus lahat magmula at magtapos ang lahat, maging ang milagro.
Disyembre 16 hanggang Disyembre 24 ang Simbang Gabi at ginagawa na ito sa nakalipas nang 350 taon o panahon ng Kastila.
MGA IPINAGDARASAL
Sa 110 milyong Pinoy, pwera ang mga baby pa na walang kamuwang-muwang, higit na nakararami ang naniniwala sa Kristiyanismong may kaugnayan sa Pasko na nagsisimula sa Disyemre 16 hanggang araw ng Tatlong Hari.
Ano-ano nga ba ang mga karaniwang ipinagdarasal?
Karaniwan, para sa indibiduwal at pampamilyang pakinabang.
May mga yumayakap naman sa kapakinabangan ng iba at maging ng buong bayan at mundo.
Naririnig ito mismo mula sa mga kaparian at mga dumadalo sa mga Simbang Gabi.
Nagmumula rin sa bibig ng mga politiko ang pagdarasal para sa lahat.
Mabuting ginagawa ito, mga Bro, at sana’y magkabunga ang mga pagdarasal na ito.
MGA PROBLEMA
Bagama’t mahalagang ipagdasal ang mga tao dahil sila naman talaga ang sentro ng panalangin sa Diyos, maraming bagay ang dapat isama, lalo na ang mga nagaganap na nagbubunga ng mga kamatayan, paghihirap, kagutuman at iba pa.
Naririyan ang nakatatakot at napakabangis na digmaan sa Israel, Gaza, Lebanon, Syria, Russia, Ukraine, Sudan at iba pa.
Sa nakalipas na dalawang taon, daan-daang libo na ang namatay sa mga digmaang ito, bukod pa ang mga ibinibilanggo, nire-rape, nagugutom, nauuhaw, walang tahanan, nasasalang sa taglamig ngayon at iba pa.
Naririyan din ang mga namamatay, nagugutom, naghihirap, nawawalan ng tahanan dahil sa mga bagyo, baha at landslide.
Partikular sa Pilipinas, naririyan ang nakatatakot nang mga presyo ng mga bilihin, gulo sa pulitika, milyones na walang trabaho at milyones na kulang ang kinita kaya mahigit kalahati ng 110 milyon Pinoy ang naghihirap at nakararanas ng gutom o kawalan ng masustansyang pagkain.
Naririyan ang walang pampagamot at kung namatay, umaasa na lang sa mga saklang patay para sa lamay at pampalibing at iba pa.
Hanggang sa mga araw na ito, ang milyon-milyong dumanas ng mga bagyo, ulan at baha sa nakaraan, sa Diyos na lang umaasa sa pag-ahon sa dalamhati sa kamatayan, kawalan ng tahanan, kawalan ng maipambili ng sari-saring batayang pangangailangan, pagkakitaan at maraming iba pa.
MAHIRAP TALAGANG MAGDASAL
Ang totoo, simpleng mahirap ang pagdarasal at kung ano ang ipagdarasal.
Noong panahon ni Jesus, tinuruan niya ang kanyang mga alagad at tao sa paligid kung kanino, paano at ano ang mga ipagdasal.
At pinakapuno siya ng pagdarasal sa lahat.
Pero sa kabila ng mga ito, ipinako siya sa krus hanggang mamatay siya sa Jerusalem at marami rin sa kanyang mga alagad ang binitay sa Rome, Italy gaya ni San Pedro na binitay ng patiwarik at San Pablo na pinugutan.