Home METRO Magdyowa patay sa natumbang dump truck

Magdyowa patay sa natumbang dump truck

ILOCOS SUR – Patay ang isang 26-anyos na driver ng Hino Dump Truck at kasintahan nitong 25-anyos na babae matapos na bumangga sa paanan ng bundok at matumba sa kalsada ang kanilang sasakyan sa national road sa Brgy. Paltoc, San Emilio, ng lalawigang ito kahapon ng umaga, Enero 18.

Ayon sa mga awtoridad, ang dalawang nasawi ay parehong residente ng Brgy. Cabaroan ng naturang bayan.

Lumalabas sa imbestigasyon na ang Hino Dump Truck ay nasa pababang bahagi ng kalsada papuntang kanluran nang magkaroon ng mechanical/brake failure.

Dahil dito nawalan ng kontrol ang driver sa manibela ng sasakyan hanggang sa bumangga sa paanan ng bundok at matumba sa kalsada ang Hino Dump Truck.

Resulta nito, parehong nagtamo ng sugat sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan ang dalawang biktima.

Ang dalawa ay agad na isinugod sa Candon General Hospital ng mga rumespondeng PNP personnel.

Gayunman, ang dalawa ay parehong idineklarang dead-on-arrival ng umatending doktor. Rolando S. Gamoso