Home OPINION MAGHANDA SA BAGYO BAGO MAG-PASKO

MAGHANDA SA BAGYO BAGO MAG-PASKO

MAY bagyo ulit, si Querubin na magtatagal hanggang sa Disyembre 22.

Ito ang sinasabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration.

Kamakalawa, Disyembre 16, nasa 360 kilometro si Querubin habang low pressure area pa lamang at nasa silangan sa Tagum City, Davaol del Norte.

Kahapon ng umaga, nasa 155 kilometro ang layo nito sa Tagum City ngunit may dala nang malalakas na ulan sa Eastern Visayas, Caraga at Davao Region.

Kaugnay nito, may intertropical converging zone umano sa Visayas at Mindanao.

May shearline naman sa Quezon, Camarines Norte, Eastern Samar, Northern Samar, Dinagat Islands, Surigao del Norte, Surigao del Sur, and Davao Oriental.

At sa norte naman?

May amihan na karaniwang nagdudulot ng ulan sa Disyembre hanggang Enero at Pebrero at nagdadala pa ng lamig.

Apat na magkakaibang uri ng kalagayan ng panahon.

Ngunit lahat ng ito, mga Bro, ay nagdadala ng ulan sa buong bansa.

MAGHANDA PARA SA PINAKAMASAMA

Bawat pagdating ng bagyo, tulad ni Querubin, pinakamaganda na maghanda para sa pinakamasamang kalagayan.

Pinakamasamang kalagayan ang pagkakaroon ng malalakas na hangin, malalakas na ulan, matinding pagbaha, landslide at iba pang dala ng bagyo.

May magagawang paghahanda mismo ang mga mamamayan.

Iba naman ang magagawa ng pamahalaan.

May magagawa rin ang media.

Kung tutuusin, alam na ng mga mamamayan ang mangyayari dahil sa kanilang karanasan sa kani-kanilang mga lugar tuwing may bagyo.

Kaya, alam na nila ang kanilang mga gagawin.

Sa oras na delikado talaga ang parating ng bagyo, higit na may alam ang pamahalaan sa taglay nitong mga ahensya na nag-aaral sa lagay ng panahon at nag-aaral din sa kapaligiran.

Kaya kapag nagbabala ang gobyerno, dapat makinig ang lahat at sumunod sa mga habilin nito gaya ng pwersahang pagbabakwit kung kinakailangan.

Ang media naman, laging nakasubaybay at pinagdurugtong ang mga balita mula sa pamahalaan at mamamayan.

Nakatutulong ito nang husto sa pagkilos ng pamahalaan at mamamayan tungo sa kaligtasan at bawas na disgrasyang dulot ng masamang panahon at kapabayaan o maling mga pangyayari.

SANA NAMAN WALANG MASAMANG MANGYARI

Kung iisipin, may mga bagyong biyaya naman, lalo na kung mahina ang hangin at ulan nitong dala.

Nagpapalago ito ng mga tanim na pampagkain para sa mga magsasaka at mamamayan.

Naglalabas din ito ng mga yamang tubig gaya ng mga isda na iniluluwal ng mga bahagyang pagbaha at pinakikinabangan ng mga mangingisda para rin sa mga mamamayan.

Hinuhugasan din nito ang maruruming kapaligiran at kung inaanod ang mga dumi sa karagatan, nililinis mismo ng karagatan ang mga dumi sa sarili nitong paraan.

Sana nga, hindi mapaminsala si Querubin.

Magpa-Pasko pa naman.