Home OPINION MAGINHAWA AT MASAKIT NA KAMATAYAN

MAGINHAWA AT MASAKIT NA KAMATAYAN

MAGKAKASUNOD ang mga sikat na tao na lumisan sa ating mundo.

Pero higit na marami ang hindi napapansin at maliliit.

Sa mga sikat, marami ang sinasabing nagmamahal sa kanila kaya naman hindi nila problema ang bigat sa gastusin sa burol at libing.

Ang mga hindi kilala at mahirap?

Kung walang gaanong kamag-anak at may kaya, marami sa kanila ang umaasa sa saklang patay.

At swerteng panahon ng halalan dahil dinarayo ang burol nila ng mga politiko para magbigay ng abuloy.

Ang masaklap pa ay ang mga namatay sa krimen at takasan sila ng mga may sala o kahit mahuli, wala namang kakayahang balikatin ang mga gastos.

PAALAM, ATE GUY AT PILITA CORRALES

Kahapon, inilibing si Nora Aunor alias Ate Guy.

Isa siya sa mga idineklara ng bansa na national artist at doon sa Libingan ng mga Bayani siya inilibing.

Nagmula siya sa isang mahirap na pamilya sa Kabikulan at nakuha niya ang atensyon ng lahat ng Pinoy sa kanyang ginintuang boses sa pag-awit.

Ito namang kinagigiliwan ng lahat na mang-aawit, si Pilita Corrales, ay krinemate ang bangkay at sinasabing inuwi ng kanyang pamilya at walang nakaaalam kung kailan siya ililibing.

Karaniwang pinagtatagal ang mga abo ng namatay hanggang isang taon.

Pareho sina Nora Aunor at Pilita Corrales na hinangaan at minahal ng marami mula sa kanilang pagsikat hanggang sa kanilang huling mga araw.

Paalam sa dalawang mang-aawit na Pinoy na sa kanilang huling sandali ay naging laman din ng magagandang balita sa buong mundo.

Naging maginhawa rin ang paglilibing sa kanila.

PAALAM DIN KAY POPE FRANCIS

Si Pope Francis ang unang Santo Papa mula sa labas ng Europa.

Nanggaling ito sa bansang Argentina sa Latin America at nakilala ito sa kanyang pagiging simpleng obispo.

Bago nga siya nalagutan ng hininga, hiniling niyang isang ordinaryong kabaong lang na kahoy ang pagsisidlan sa kanya.

Gayundin na hindi sa St. Peters Cathedral sa Vatican City siya ililibing kundi sa isang simbahan lang sa labas nito, na unang pangyayari sa kasaysayan ng Papacy.

Palatandaan ito ng kanyang pagiging mapagpakumbaba at pag-iwas sa astang-hari…na tama lang.

Minsan na rin siyang pumunta sa atin sa Pilipinas, ang nag-iisang Katolikong bansa sa Asya, bilang tanda ng kanyang pagmamahal sa sangkatauhan.

Gaya ng inaasahan, walang naging problemang pinansyal sa kanyang burol hanggang sa paglilibing sa kanya sa mga darating na araw.

ANG IBA, PAANO NAMAN KAYA

Kabilang sa pinakahuling biktima ng krimen ang mag-live-in partner na pinatay na, sinunog pa ang kanilang mga bangkay ng dalawang bangag sa droga sa Subic, Zambales.

‘Yung mga nahuling suspek, bukod sa pambibilanggo sa kanila, paano nila sasagutin ang bigat ng gastos sa paglilibing sa mga biktima?

Paano naman kaya ang pinatay na isang doktor o dermatologist sa Quezon City, ang misis na nilaslasan sa leeg ng kanyang sariling mister sa Cebu City, ang Korean tourist na hinoldap at saka sinaksak hanggang mamatay sa Angeles City, Pampanga, ang may-ari ng lupa at caretaker nitong pinagtataga hanggang mamatay sa Infanta, Quezon at iba pa?