
LALONG lumalabo ang kapit ni Speaker Martin Romualdez sa liderato ng Kamara. Dati’y tila untouchable, pero ngayon ay lumalakas ang usapan na maaaring maagawan siya ng puwesto sa papasok na kongresistang Cynthia Villar o ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. At ngayong bumaba ang satisfaction rating ni Romualdez (14% approval, 54% disapproval), lalo siyang nanganganib na mapalitan.
Isa sa mga unang sablay sa pamumuno ni Romualdez ay ang Charter change o ChaCha na nabahiran ng isyung suhulan. Kumalat ang balita na may perang kapalit ang pirma ng barangay officials. Sa halip na reporma, ang naging epekto ay mas lalong pagbagsak ng tiwala ng publiko sa Kongreso.
Hindi rin nakaligtas sa intriga ang 2025 national budget, na sinasabing puno ng maanomalyang “insertions.” Nang umingay ang isyu, agad na sinibak si Rep. Zaldy Co bilang Appropriations Chair. Pero sa mata ng marami, ito’y malinaw na damage control lamang.
Mas lalong lumaki ang problema sa pagsulong ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte. Para sa marami, ito’y isang personal na atake. Nagdulot ito ng tensyon sa pagitan ng Marcos at Duterte camps, at lalo pang nagdulot ng hidwaan sa Alyansa Para sa Bagong Pilipinas. Kabilang pa naman dito ang Lakas-CMD, ang partido ni Romualdez. Parang hindi natin nakikita na tumutulong siya sa Alyansa at parang gusto niya pa yatang makanal ang koalisyon. Pero sampal sa kanya ang latest survey ng Social Weather Stations kung saan siyam sa mga kandidato ng Alyansa ang pasok sa Magic 12.
Hindi rin nawala sa radar ang isyu ng diumano’y pagkamkam sa pondo ng PhilHealth para pondohan ang mga proyektong tulad ng AKAP at iba pang malalaking proyekto sa mga kakamping distrito. Isa na namang indikasyon ng paggamit sa kaban ng bayan para sa pansariling interes.
At ang pinakamabigat, ang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte. Bagaman hindi inaamin, marami ang naniniwalang si Speaker ang nasa likod nito. Ang masaklap, may mga bulungan na pati si Pangulong Bongbong Marcos ay nagulat sa galaw na ito.
Sa lahat ng kapalpakan ni Romualdez, nadadamay pati ang Pangulo dahil sumadsad sa 25% ang approval rating nitong huling survey.
Tahimik mang gumagalaw, sina Villar at GMA ay may kakayahang umagaw ng speakership next Congress. At kung magpapatuloy ang mga sablay ni Romualdez, baka siya na rin ang tuluyang tanggalin.
Ang tanong: Hanggang kailan papayag si PBBM na siya’y kaladkarin ng pinsang pabigat?