MANILA, Philippines – Nasawi ang tatlong magkakapatid na lalaki matapos na sumalpok ang sinasakyan nilang tricycle sa isang pick-up truck sa Pototan, Iloilo.
Sa ulat, patungo sana ang magkakapatid sa ospital para dalhin ang isa sa kanila na tinaga ng kanilang bayaw.
Nangyari ang insidente noong Agosto 15 sa Barangay Rumbang.
Sa lakas ng impact ay pumailalim pa sa isang sasakyan ang isa sa mga biktima.
Ayon sa pulisya, dadalhin sana sa ospital ng magkapatid na sina “Riyen” at “Raymond” ang isa nilang kapatid na si “Reymark” sakay ng isang tricycle matapos na tagain umano sa leeg at likod ng ulo ng kanilang bayaw na si Mike Servidad.
Dahil sa pagmamadali ay nag-overtake ang tricycle sa isang sasakyan ngunit nabangga sila ng kasalubong na pick-up truck.
Sa lakas ng banggaan ay tumilapon ang mga biktima.
“Head on collision. Sa impact na ito, ang driver doon, lumipad. Tapos ang isa, napunta sa sasakyan na nakasunod sa kanila. Unfortunately, two of the victims were pronounced dead on arrival,” pahayag ni Police Major Bryan Alamo, hepe ng Pototan Municipal Police Station sa panayam ng GMA News.
Pumanaw kalaunan habang ginagamot sa ospital si Riyen.
Nadakip naman ng mga awtoridad ang suspek sa pananaga kay Reymark na si Servidad. RNT/JGC