MANILA, Philippines – Pinuri ni Senator Christopher “Bong” Go ang paglagda sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act (R.A.) No. 12021, kilala rin bilang “Magna Carta of Filipino Seafarers.”
Ang ceremonial signing ay ginanap sa Palasyo ng Malacañan noong Enero 7.
Bilang isa sa mga may-akda at co-sponsor ng panukalang batas at vice chairperson ng Senate committee on migrant workers, binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng batas na ito sa pagpoprotekta sa mga karapatan at kapakanan ng Filipino seafarers.
Ayon kay Go, ang paglagda sa IRR ay hudyat sa pangako ng gobyerno sa pagpapabuti ng kondisyon ng Filipino seafarers at pag-secure ng kanilang nararapat na lugar sa pandaigdigang industriya ng maritime.
Ipinaalala niya sa mga kinauukulang ahensya na ipatupad nang maayos ang batas.
Sa pagkilala sa kanila bilang “unsung heroes” ng industriya ng maritime, pinuri niya ang mga marino sa kanilang dedikasyon at sakripisyo, lalo sa kanilang malaking ambag sa pandaigdigang sektor ng pagpapalago ng ekonomiya ng bansa.
Hindi tumigil si Senator Go sa pagtataguyod ng Magna Carta para sa malinaw na mga patakaran na nagpoprotekta sa mga marino mula sa mga likas na panganib ng kanilang propesyon, kabilang ang mahabang oras ng trabaho, limitadong panahon ng pahinga, at pagkakalantad sa mga panganib sa kalusugan.
“Layunin ng batas na ito na tugunan ang mga hamon na kinakaharap ng ating mga marino at tiyaking iginagalang ang kanilang dignidad bilang manggagawa,” paliwanag ni Go.
“Pinapalakas din nito ang ating pagsunod sa mga internasyonal na pamantayan, na nagpapahusay sa global competitiveness ng Filipino maritime workforce.”
Ang iba pang pagsisikap ni Go para itaguyod ang kapakanan ng mga migranteng manggagawa ay natupad din sa paglikha sa Department of Migrant Workers, ang pagtatayo ng dedikadong OFW Hospital sa San Fernando City, Pampanga noong administrasyong Duterte, at ang patuloy na operasyon ng Malasakit Center sa mga ospital.
“Patuloy kaming magseserbisyo sa inyo dahil bisyo ko ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo ‘yan sa Panginoon,” ani Go. RNT