Home NATIONWIDE Magna Carta of the Youth inihain sa Kamara

Magna Carta of the Youth inihain sa Kamara

277
0

MANILA, Philippines – Kaalinsabay ng pagdiriwang ng International Youth Day ay isinulong ng isang mambabatas ang House Bill No. 3415 o ang “Magna Carta of the Youth.”

Pangunahing layunin ng panukala na inihain ni Quezon City Rep. PM Vargas na maprotektahan ang karapatan at mapalawak ang oportunidad sa mga batang Filipino na hindi nakapag-aaral sa isang formal school.

“Ang mga OSY ay isa sa mga marginalized na sektor sa ating lipunan. Madalas, nakatuon ang mga polisiya natin sa mga Kabataang nasa paaralan. Kaya ang pagsasabatas ng HB 3415 ay isang hakbang upang maipantay natin sila sa lipunan”, ayon sa mambabatas.

Nilalaman din ng House Bill 3415 na makilala at maituring ang mga out-of-school youth (OSY) ang kahalagahan bilang isang sektor sa nation-building, magarantyahan ng edukasyon, vocational training, trabaho, healthcare, at social services.

Nakasaad din sa panukala na masiguro na ang mga OSY ay maisasama sa mga programang pang-gobyerno upang maging produktibo at magkaroon ng kabuluhan sa lipunan.

Ang panukalang Magna Carta ay napapalooban din ng mga karapatan ng OSY, kabilang ang proteksyon laban sa karahasan at diskriminasyon na matuto.

Maging ang pagtatatag ng Out-of-School Youth Welfare Council ay nakapaloob sa nabanggit na panukala upang siyang tuwirang makipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya na nagkakaloob ng programa at serbisyo sa mga OSY sa buong bansa.

“As we honor the youth this week, we must ensure no one is left behind—especially those who have been left out of formal education. This is not just a celebration, but a commitment to action”.

Ang International Youth Day ay ipinagdiriwang tuwing August 12 taun-taon samantalang ang “Linggo ng Kabataan” ay ipinagdiriwang sa Pilipinas mula August 12-17 na parehong nagpapakita at nagsusulong ng kahalagahan ng mga isyung panglipunan sa mga kabataan at umaalalay din sa mga suporta at inisyatibo para sa OSY. Meliza Maluntag

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here