MANILA, Philippines – Patay ang isang robbery suspect habang sugatan naman ang dalawa sa rumespondeng tauhan ng Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU) ng Las Piñas City police sa engkwentrong naganap Huwebes ng hapon, Hunyo 20.
Dead on the spot ang hindi pa nakikilalang suspect sanhi ng mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Sinabitan ng Medalya ng Kagalingan nina DILG Sec. Benjamin Abalos Jr. at PNP chief General Rommel Marbil ang mga sugatang pulis na sina PMSg Avelino Lopez at PMSg Warren Bong Panton sa pagresponde sa isang nakawan sa Las Pinas. (Cesar Morales)
Kinilala naman ni Las Piñas City police chief P/Col. Sandro Jay DC Tafalla ang mga sugatang pulis na dinala sa Las Piñas Doctors Hospital upang magamot sa kanilang tinamong tama ng bala sa hita at binti sina P/MSg Warren Panton at P/MSg Avelino Lopez.
Base sa report na natanggap ni Tafalla, napag-alaman na nangyari ang engkwentro ng mga tauhan ng TMRU at ng nasawing suspect dakong alas 12:45 ng hapon sa panulukan ng Analiza at Marquez Streets, Barangay Manuyo Dos, Las Piñas City.
Bago paman maganap ang nabanggit na engkwentro ng suspect at ng mga operatiba ng TMRU ay nakatanggap ng tawag ang Las Piñas City police mula sa biktimang si Loreto Gaa, 74, isang retiradong opisyal ng Philippine Navy, tungkol sa insidente ng robbery sa kanyang bahay sa 32 Ilang-Ilang St., Olivarez Guevarra Subdivision, Barangay Manuyo Dos, Las Piñas City.
Ayon kay Gaa, nakarinig siya ng malakas na kalabog at nang kanyang siyasatin kung saan niya narinig ang kalabog ay nakita niya ang suspect na nasa loob na ng kanilang compound na dumaan sa pader.
Dahil na rin sa kanyang edad at kahinaan ay naagaw sa kanyang posesyon ang kanyang dalang baril na pistolang kalibre .9mm Parabellum ng mas nakababata at mas malakas na suspect na agad namang tumakas.
Mabilis na nakatawag ng responde ang biktima sa mga nagpapatrulyang TMRU sa kanilang lugar kung saan agad na nag-ikot ang mga ito at natiyempuhan ang suspect.
Nang sitahin ng mga pulis ang suspect ay agad na nagpaputok ito na nagresulta ng pagkakasugat nina Panton at Lopez kung kaya’t wala nang magawa ang iba pang tauhan ng TMRU kundi gumanti ng putok na naging dahilan naman ng pagkamatay ng suspect. (James I. Catapusan)