MANILA, Philippines — Isang magnitude 5.2 na lindol ang naitala sa karagatang timog-silangan ng Tarragona, Davao Oriental madaling-araw ng Biyernes, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Naganap ang lindol dakong alas-12:34 ng madaling-araw at tectonic ang pinagmulan nito, na may lalim na 22 kilometro.
Una nang iniulat ng PHIVOLCS na magnitude 5.3 ang lindol na tumama malapit sa Governor Generoso, Davao Oriental bago ito ibinaba sa magnitude 5.2.
Naramdaman ang Intensity II sa City of Mati, Governor Generoso, Manay, San Isidro at Tarragona sa Davao Oriental. Naitala naman ang Intensity I sa Davao City at City of Bislig sa Surigao del Sur.
Ayon sa PHIVOLCS, wala namang inaasahang pinsala mula sa lindol ngunit posibleng magkaroon ng mga kasunod na pagyanig o aftershocks. Santi Celario