
MAS maraming magsasakang Pilipino ang inaasahang makikinabang sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) hanggang 2031, matapos amyendahan ang Rice Tariffication Law (RA 11203) sa bisa ng Republic Act 12078. Ang programang ito, na nagsimula noong Setyembre 2019, ay magpapatuloy upang palawigin ang suporta para sa sektor ng pagsasaka ng palay.
Ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ito ay magtitiyak ng mas matibay na suporta para sa mga magsasaka. Sa pamamagitan nito, mapapalakas ang kanilang produksyon, mapapataas ang kita, at mas makasasabay sila sa hamon ng makabagong pagsasaka.
Nadagdagan din ang dating pondo ng RCEF. Mula 10 bilyong piso, ang programa ay mayroon nang 30 bilyon piso na budget kada taon.
Sinabi ni Senator Cynthia A. Villar, chair ng Senate Committee on Agriculture and Food, sa kanyang mensahe na makatatanggap ang mga kwalipikadong magsasaka, kooperatiba, at asosasyon ng kinakailangang makinarya, dekalidad na binhi, pautang at pinansyal na tulong, at mahahalagang pagsasanay upang mapataas ang kanilang ani.
Kasama rin sa mga bagong probisyon ng RCEF ang soil health improvement, suporta para sa pamamahala ng mga peste, at pagpapatayo ng solar-powered irrigation systems.
Simula ng mailunsad ang RCEF noong 2019, mahigit 19 milyong sakong certified inbred seeds na ang naipamahagi sa mahigit 2 milyong magsasaka sa pangunguna ng Philippine Rice Research Institute.
Mahigit 30,000 units ng makinaryang pangsaka ang naipamigay, at mahigit 150 units ng Rice Processing systems naman ang naipatayo sa tulong ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization.
Umabot din sa 5.5 milyong piso ang naipahiram sa higit 54,000 na mga magsasaka at higit 300 na mga farmers cooperatives and association.
Nasa 3 milyong magsasaka ang nabigyan ng mga babasahin tungkol sa mga teknolohiya sa pagpapalayan. Higit 22 milyon din ang naabot ng mga knowledge-sharing and learning activities.
Lampas 300,000 magsasaka, extension workers, at rice specialists naman ang nakapagsanay sa ilalim ng RCEF Extension Program mula 2019 hanggang 2024 sa pagtutulungan ng PhilRice, PHilMech, Agriculture Training Institute at Technical Education and Skills Development Authority.
Mula sa 57 probinsya na dating sakop ng RCEF, ang lahat ng mga probinsyang nagtatanim ng palay ay isasama na sa programa hanggang 2031.
Inaasahang sa paglawak ng saklaw ng RCEF hanggang 2031, mas magiging produktibo, masagana ang ani, at maginhawa ang kabuhayan ng mga magsasaka sa Pilipinas.