Home NATIONWIDE Magpinsan nakuryente, patay; 4 sugatan

Magpinsan nakuryente, patay; 4 sugatan

177
0

CEBU CITY — Patay ang magpinsan na construction worker habang sugatan ang apat na kasamahan matapos silang makuryente nang sumabit ang poste na pinagkakabitan nila ng solar sa high voltage line ng Visayan Electric, iniulat kahapon sa lungsod.

Kinilala ang mga nasawi na sina Limbert Lucero, 32, at pinsan nitong si Juliven Lucero, 23, kapwa residente ng Barangay Basak, Catmon, Cebu.

Nilapatan naman ng lunas sa ospital ang mga sugatan na sina Regan Angga Viagedor, 27; Sylvester Dinoy Pontejon, 27; Jayson Ordeñiza Montañez, 32; at Christian Guiwanon, 30.

Batay sa report ng Mabolo Police Station, bandang 10:30 p.m. noong Miyerkules naganap ang insidente sa Nevil Hills, Barangay Lahug, Cebu City.

Sa pahayag ni Dindo Antecristo Purisima, 36, driver ng Kimwa Construction at residente ng Luray II, Toledo City, ang mga biktima ay nagtatayo ng poste para ikabit ang solar street light sa nasabing lugar.

Habang nasa gitna ng pagkakabit ng solar, hindi napansin ng mga biktima na ang bakal na poste ay sumabit sa pangunahing linya ng Visayan Electric, na naging sanhi ng kanilang pagkakakuryente.

Dahil sa lakas ng boltahe na pumasok sa katawan ng magpinsan, nagtamo sila ng matinding pinsala na naging sanhi ng agarang pagkamatay.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente.

(Mary Anne Sapico)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here