Home METRO Magsasaka, lolo nalunod

Magsasaka, lolo nalunod

CAUAYAN CITY, Isabela- Patay ang isang magsasaka at isang senior citizen matapos malunod sa San Manuel, sa lalawigan at lungsod na ito nitong Huwebes.

Sinabi ni Police Major Jojo Turingan, San Manuel chief of police, na nalunod ang magsasakang si Junito Balbin, 35, mula sa Barangay Esperanza East, Aurora, Isabela, nang maanod siya sa isang irrigation canal sa Barangay Santa Cruz.

Natagpuan ng mga awtoridad ang bangkay ni Balbin noong Biyernes ng umaga na lumulutang sa irrigational canal matapos itong hanapin magdamag.

Ayon sa mga pulis, nag-inuman si Balbin at kanyang mga kaibigan malapit sa irigasyon bago ang insidente.

Samantala, nadiskubre naman ang mga labi ni Macario Faelmoca, 84, ng  Zone 2, Research Minante 1, sa lungsod na ito, na palutag-lutang sa isang creek sa Zone 1, Research Minante 1.

Batay sa mga awtoridad, tumatawid umano ang biktima sa creek bitbit ang kanyang tungkod nang aksidente itong madulas at malunod. RNT/SA