Home METRO Magsasaka utas sa hinabol na lalaking nambato ng kanyang bahay

Magsasaka utas sa hinabol na lalaking nambato ng kanyang bahay

ILOCOS NORTE- Tigok ang isang 51-anyos na magsasaka matapos pagsasaksakin ng kanyang nakaalitan sa bayan ng Solsona ng lalawigang ito kahapon, Mayo 4.

Arestado naman ang 35-anyos na suspek na kalugar ng biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon, binato umano ng suspek ang bahay ng biktima.

Dahil dito, lumabas ng bahay ang biktima na armado ng kutsilyo at hinabol nito ang suspek.

Agad na nagpunta sa kanyang tricycle ang suspek, kumuha ng pamalo (bamboo stick) at kutsilyo.

Gayunman, patuloy na hinabol ng biktima ang suspek hanggang sa makarating sila sa bukid.

Nang makalapit ang biktima, tinangka nitong saksakin ang suspek ngunit nakailag ito.

Gumanti naman ang suspek kaya tinamaan sa dibdib at tiyan ang biktima.

Matapos pagsasaksakin ang biktima, mabilis na tumakas ang suspek dala ang ginamit na kutsilyo subalit agad ring naaresto sa isinagawang hot pursuit operation ng mga personnel ng Solsona MPS.

Isinugod naman sa Piddig District Hospital ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival ng umatending doktor.

Dating alitan o hindi pagkakaunawaan ang tinitingnang motibo sa naturang krimen. Rolando S. Gamoso