Home NATIONWIDE Reelectionist congressman sa Batangas inireklamo sa Ombudsman

Reelectionist congressman sa Batangas inireklamo sa Ombudsman

MANILA, Philippines- Ipinagharap ng patong-patong na reklamo sa Ombudsman si Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro.

Hiniling sa reklamo na agad maimbestigahan si Luistro sa kasong graft, vote-buying, premature campaigning at misuse of government funds.

Gayunman, mistulang hindi natitinag si Luistro at iginiit na ang mga isinampang kaso laban sa kanya ay mahina at ibabasura lamang ng Ombudsman.

Inilarawan ni Luistro ang reklamo sa kanya na walang basehan at walang detalye, walang ebidensya at parang “chopsuey” na pinaghalo-halong sangkap sa iisang putahe na lamang.

Batay sa anonymous complaint, sinamantala umano ni Luistro ang government assistance programs gaya ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS), Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP), Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), at ang pamimigay ng national scholarships para lamang umano sa ambisyon nito sa politika.

Nakasaad sa reklamo na may pagkakataon na habang namigay ng forms para sa assistance, may mga nakapaskil na tarpaulins na may pangalan at mukha ni Luistro.

Iginiit sa reklamo na ang lahat ng insidenteng ito ay dokumentado ng verified social media accounts na inuugnay sa official Facebook page ni Luistro. Teresa Tavares