Home OPINION MAGTULUNGAN VERSUS BOMBING SA MINDANAO

MAGTULUNGAN VERSUS BOMBING SA MINDANAO

UMAMIN ang Islamic State na pwersa nila ang nambomba sa Mindanao State University nitong nagdaang araw na ikinamatay ng ilang tao at ikinasugat ng ilang dosenang iba pa.

Sabihin na lang natin na totoo ito at higit ang bagay na ito kaysa iba pang usaping nauugnay sa mga lokal na lokal na pangyayari.

‘Yun bang === hindi lang basta ganti ang pangyayari ng mga matagumpay na operasyonng militar laban sa mga terorista.

Hindi lang basta ganti ng mga Abu Sayyaf at Dawlah Islamiyah at iba pang katulad ng mga ito na nadadale ng mga militar at pulis sa mga labanang nagaganap sa Mindanao.

Ang pagbomba ay may kaugnayan sa labas ng bansa.

Matatandaang naghayag nitong mga nagdaang araw lamang ang Al Qaida at Islamic State ng pandaigdigang jihad o religious war kaugnay ng giyera ng Israel laban sa Hamas sa Gaza.

At hinihimok ng dalawang grupong ito ang kanilang mga kasapi, sangay at kakampi sa iba’t ibang bansa na magsagawa ng mga gawaing pakikiisa sa Hamas.

Ang target ng panawagan ay hindi lang ang mga Israelita na nasa ibang mga bansa kundi pati ang mga bansang sumusuporta sa Israel.

MAS MALAWAK

Kung bahagi ang pagbomba ng giyerang Hamas-Israel na umaabot na sa Jordan, Syria, Lebanon at Yemen, dapat na palawakin ng pamahalaan ang pagbabantay sa maaaring katulad na pangyayari.

Yun bang === hindi lang hanggang Mindanao ang dapat na bantayan.

Kung iisipin, mga Bro, kung saan-saan nagkaroon ng mga pagdakip sa mga indibiduwal na mga kasapi ng nabanggit nang grupo ng mga terorista o rebelde, kasama na ang Metro Manila.

Kaya naman, nararapat lang na palawakin ang pagbabantay.

At dahil mabangis ang laban, dapat tumulong na rin ang mga mamamayan sa pamahalaan hindi lang sa pagbabantay kundi sa pagpigil sa mga marahas at pumapatay na grupong ito.

Alalahaning walang pinipili ang mga suspek sa pagbomba at higit alalahanin na ang mga walang kalaban-laban ang target ng mga ito.

Ang mga sibilyan ang tinarget nila sa Mindanao at hindi mga sundalo at pulis at ito ang napakahalagang isipin kaya maaari ring mangyari ito sa ibang lugar sa bansa.

Ang mga simbahan, ang mga eskwela, ang mga mall at iba pang matataong lugar, dapat na bantayan o magsagawa na ang pamahalaan ng mga pakikipag-usap sa mga mamamayan, sa tulong ng mga barangay at may-ari ng mga simbahan, eskwela at establisimyento ukol sa bagong banta sa buhay, ari-arian at kapayapaan sa bansa at sa mga komunidad.

MAGKUSA LAHAT, HUWAG MATAKOT

Lahat, walang pinipili, ang mga suspek sa MSU bombing kaya hindi ligtas ang mga sibilyan.

Bilang tugon, dapat magkusa ang lahat na makipagtulungan sa pamahalaan sa laban sa mga mambobomba.

At dapat mabilis ang mga pagkilos at gamitin lahat ng paraan para rito, kasama na ang teknolohiya.

Walang ni sinoman ang dapat matakot na kumilos dahil ang takot, lalong magdudulot lang ng panganib at pinsala sa kahit kanino at sa buong bayan.