Home NATIONWIDE Maguindanao del Sur nasa ilalim pa rin ng heightened alert

Maguindanao del Sur nasa ilalim pa rin ng heightened alert

MAGUINDANAO DEL SUR – NASA ilalim ng heightened alert ang buong lalawigan ng Maguindanao del Sur matapos ang tatlong magkakahiwalay na insidente ng pamamaril sa loob ng isang linggo na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong katao at pagkasugat ng tatlo pa.

Pinakahuling insidente ay naganap bandang alas-3 ng hapon nitong Linggo, kung saan tinambangan sa national highway ang isang rescue vehicle na may sakay na tatlong miyembro ng Barangay Peace Action Team habang patungo sa isang binahang lugar. Isa ang nasawi habang dalawa pa ang sugatan sa nasabing pananambang.

Ayon kay PCol. Bobby Ryan Paloma, provincial police director, nangyari ang karahasan sa kabila ng umiiral na election gun ban. “This violence occurred while the election gun ban remains in effect,” aniya.

Noong Sabado naman, binaril at napatay si Lakmudin Uga, 50, sa Pandag town, habang sugatan ang kanyang asawa. Ilang oras ang lumipas, pinaslang din ang kanyang pamangkin na si Allan Uga, isang retiradong sundalo, sa bayan ng Buluan.

Pinag-aaralan ngayon ng pulisya kung may koneksyon ang dalawang magkahiwalay na insidente sa Pandag at Buluan.

Lahat ng mga biktima ay inatake ng mga hindi pa nakikilalang suspek na lulan ng motorsiklo na hanggang ngayon ay pinaghahanap ng mga awtoridad. Mary Anne Sapico