Home NATIONWIDE Pagpaparinig sa mga customer ng sample rington ‘di labag sa copyright law...

Pagpaparinig sa mga customer ng sample rington ‘di labag sa copyright law – SC

MANILA, Philippines – Walang nilabag na mga batas sa copyright sa pagpaparinig sa mga customer ng 20-segundong sample o preview ng ringtone bago ito bilhin, ayon sa pasya ng Korte Suprema.

Sa Desisyon na isinulat ni Associate Justice Mario V. Lopez, kinatigan ng En Banc ng Korte ang desisyon ng Regional Trial Court (RTC) na isinantabi ang reklamo ng Filipino Society of Composers and Publishers (FILSCAP) laban sa Wolfpac Communications, Inc. (Wolfpac) para sa paglabag sa copyright at mga danyos.

Bumubuo ang Wolfpac ng mga mobile phone app at ipinamahagi ang mga ito sa pamamagitan ng mga kasosyong network tulad ng Smart Communications, Inc. (Smart).

Ang FILSCAP, na nangongolekta ng mga royalty para sa mga manunulat ng kanta at kompositor, ay tumutol sa isang Smart na ad sa dyaryo na nagpapahintulot sa mga customer na i-preview ang mga ringback tone online bago ito. Bilhin. Iginiit ng FILSCAP na nangangailangan ito ng lisensya at pagbabayad ng mga royalty.

Nagpasya pabor sa Wolfpac ang RTC na nagsabing ang 20-segundong ringtone preview ay hindi itinuturing bilang pampublikong pagganap o public performance.

Sinabi rin nitong pinapayagan ang preview sa ilalim ng doctrine of fair use, na nagpapahintulot sa limitadong paggamit ng naka-copyright na materyal nang hindi nangangailangan ng pahintulot ng may-ari.

Sumang-ayon ang Korte sa RTC. Ayon sa Korte Suprema, may paglabag sa copyright kapag may gumagamit ng protektadong gawa nang walang pahintulot sa mga paraang labag sa karapatan ng may-ari gaya ng pagsasagawa, pagkopya, o pamamahagi nito para kumita.

Pero, pinapayagan ng Intellectual Property (IP) Code ang ilang mga exception kabilang dito ang pribadong pagganap na ginawa nang libre o paggamit ng gawain para sa pagtuturo, impormasyon, kawanggawa, o mga layuning pangrelihiyon.

Wala ring paglabag sa copyright kung ang paggamit ay alinsunod sa patas na paggamit o fair use.

Sa kasong ito, bagama’t hindi sakop ng kasunduan ni Wolfpac sa mga kompositor ang paggamit ng mga sample ng kanta para sa mga preview, walang paglabag sa copyright dahil maituturing ang mga preview bilang fair use. TERESA TAVARES