Home NATIONWIDE Magulang, guro ng mga nagtapos na estudyante pinarangalan ni Sen. Go

Magulang, guro ng mga nagtapos na estudyante pinarangalan ni Sen. Go

MANILA, Philippines- Personal na binisita ni Senador Christopher “Bong” Go ang Unibersidad ng Cagayan Valley sa Tuguegarao City, Cagayan noong Lunes at dumalo sa pagkilala sa mga magulang ng mga nagsipagtapos na mag-aaral.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ng senador ang mahalagang papel ng mga magulang at guardians sa tagumpay sa akademiko, personal na pag-unlad, at pagkamit ng pangarap ng kanilang mga anak.

“As a father myself, I understand and empathize with the emotions and sacrifices of parents. They are the primary role models for their children, paving the way for a better future through their unwavering support and dedication to their children’s education,” ani Senator Go.

Pinuri ni Go ang makabuluhang epekto ng pakikilahok ng magulang sa tagumpay ng mga mag-aaral. Ang mga magulang aniya ang gumagawa ng hindi mabilang na sakripisyo upang matiyak na ang kanilang mga anak ay makakukuha ng de-kalidad na edukasyon.

“Willing tayong magpakamatay para lang mabigyan ng magandang bukas ang ating mga anak. Parents work tirelessly, often put their needs aside, to provide their children with the best opportunities for a good life,” sabi ni Go.

“Tayong mga magulang, trabaho lang nang trabaho, sige lang nang sige. Sa salita ng ating kabataan ngayon, ‘Go lang nang go!,” aniya pa.

Sinamantala rin ni Go ang pagkakataon para ipaabot ang kanyang pasasalamat sa faculty member ng University of Cagayan Valley.

“Teachers serve as second parents to our children, imparting academic knowledge and instilling essential values. Their contribution to our children’s growth is invaluable,” anang senador.

“Pasalamatan din po natin si Dr. Esther Susan “Cha” Perez-Mari, ang ating masipag na presidente, sa kanyang mahusay na pamumuno at dedikasyon sa pagpapaunlad ng edukasyon dito. Dr. Cha, salamat sa iyong inspirasyon at sa pagbibigay ng mataas na kalidad ng edukasyon sa ating mga estudyante,” sabi ni Go.

Sa kanyang pagharap sa mga mag-aaral, pinayuhan sila ni Go na laging mag-aral nang masigasig upang maparangalan ang sakripisyo ng kanilang mga magulang.

“Siguraduhin mong hindi masasayang ang hirap at sakripisyo ng iyong magulang. Ipakita mo sa kanila ang iyong pagpapahalaga hindi lang ngayon kundi araw-araw,” udyok niya.

Ang event ay dinaluhan din ni Gobernador Manuel Mamba, Tuguegarao City Mayor Maila Rosario Ting-Que, at iba pa. Namahagi ng token ang senador sa 2,300 estudyante at 541 faculty members. Ginawaran din niya ng personal na regalo ang top notcher.

Tiniyak ni Senator Go na patuloy siyang magsusulong ng mga programa para mapahusay ang akademikong kinabukasan ng mga bata.

Upang makamit ito, siya ay co-author at co-sponsor ng mga panukalang batas na nagpapakita ng kanyang dedikasyon sa pagpapabuti ng sistema ng edukasyon sa bansa. Kabilang dito ang Senate Bill Nos. 1360 at 1864.

Ang SBN 1360 ay naglalayong palawakin ang saklaw ng subsidy sa edukasyon sa tertiary sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Republic Act No. 10931, ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act.

Layon ng panukalang ito na suportahan ang mga mag-aaral na nahihirapang magbayad ng kanilang matrikula at iba pang bayarin sa paaralan, kabilang ang mga kasalukuyang hindi saklaw ng kasalukuyang subsidiya sa ilalim ng batas.

Samantala, ang SBN 1864, o ang Student Loan Payment Moratorium During Disasters and Emergencies Act, ay layong mag-alok ng tulong sa mga mag-aaral na nag-loan ngunit hindi makabayad dahil sa mga sakuna at iba pang emergency.

Siya rin ang co-author at co-sponsor ng RA 11984, kilala rin bilang No Permit, No Exam Prohibition Act, na magpoprotekta sa mga mag-aaral mula sa patakarang “no permit, no exam” sa mga institusyong pang-edukasyon.

“Bukod dito, sinuportahan rin nating maipasa ang Kabalikat sa Pagtuturo Act na kamakailan lamang ay naging ganap na batas. Ito ay magpapalaki ang taunang teaching supplies allowance na ipinagkakaloob sa ating mga mahal na guro,” dagdag ni Go. RNT