Home METRO Mahigit 100 kompanya lalahok sa Labor Day Job Fair ng QC

Mahigit 100 kompanya lalahok sa Labor Day Job Fair ng QC

MANILA, Philippines – Bilang pagdiriwang ng Araw ng Paggawa sa May 1, sisimulan ng Pamahalaang Lungsod ng Quezon ang buong buwan nitong pagdiriwang sa pamamagitan ng isang megajob fair na nilahukan ng mahigit 100 kumpanyang nag-aalok ng mahigit 9,000 local at overseas employment opportunities.

“Sa Quezon City, ang aming layunin ay ipagpatuloy ang pagbibigay sa aming mga QCitizens at mga naghahanap ng trabaho sa Metro Manila ng mga pagkakataon upang mapabuti ang kanilang buhay,” sabi ni Mayor Joy Belmonte.

Kaugnay nito, bilang bahagi ng 85th Anniversary celebration ng QC, ang event ay ang pinakamalaking job fair na inorganisa ng pamahalaang lungsod.

Ayon sa QC government, ang job expo, na gaganapin sa Risen Garden ng City Hall mula 8:00 AM hanggang 5:00 PM, ay bukas kahit para sa mga hindi residente ng QC.

Sinabi pa sa ulat, ang QC Public Employment Service Office ang nangunguna sa kaganapan, sa suporta ng Department of Labor and Employment.

Samantala kasama sa malalaking kumpanyang sumali sa expo ang San Miguel Corporation Integrated Merchandising Inc., Meralco Energy Inc., D.M Consunji Inc., Solaire Resort North, Sanford Mktg. Corporation (Savemore), Robinsons Supermarket, Union Bank, Wilcon Depot, Zesto Corporation, Amaia Land Corporation, Asia Brewery Inc., at JRS Express bukod sa iba pa.

Magkakaroon din ng One-Stop Shop na magpoproseso ng mga kaugnay na pangangailangan, tulad ng QCitizen ID, PhilSys ID, Social Security System, Philhealth at Pag-IBIG membership.

Bukod dito, walang bayad ang mga clearance mula sa National Bureau of Investigation at Philippine National Police para sa mga first-time jobseekers.

Kaugnay nito, mag-aalok din ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng libreng pagsasanay at seminar para sa mga aplikante. Samantala, ang libreng pag-imprenta ng mga ID pictures at resume ay ibibigay ng pamahalaang Lungsod.

Sa parehong araw, gaganapin ang sabayang job fair sa SM Supermalls, sa SM City North EDSA, SM City Sta. Mesa, SM City Novaliches, at SM City Fairview.

Samantala, bilang bahagi ng month-long job expo ng lungsod, magkakaroon ng job fair sa Waltermart EDSA sa Mayo 4 at sa Maginhawa Summer Fest sa Mayo 5.

Ang pamahalaang lungsod ay magdadala ng mga oportunidad sa trabaho sa mga bagong graduate at estudyante partikular sa Our Lady of Fatima University sa Fairview at sa University of the Philippines School of Labor and Industrial Relations sa Mayo 1. Santi Celario