Home NATIONWIDE Mahigit 24K vote counting machine sa 2025 polls dumating na sa bansa

Mahigit 24K vote counting machine sa 2025 polls dumating na sa bansa

MANILA, Philippines – Nasa Pilipinas na ang kabuuang 24,400 automated counting machinese (ACMs) para sa 2025 midterm elections, sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia nitong Sabado, Agosto 31.

“Sa kasalukuyan, mayroon na tayong 24,000 machines. 17,400 machines ‘yan ‘yong nakikita niyo dito ngayon. ‘Yong 7,000, ‘yan nasa Customs pero nasa Pilipinas na,” sinabi ni Garcia sa press briefing.

“Ilalabas ng Customs ‘yon so more or less, sa month ng August, magkakaroon tayo ng 24,000 vote counting, automated counting machines,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Garcia na ang Miru Systems, automated election systems provider na kapartner ng Comelec para sa 2025 elections, ay may commitment na magdala ng 20,000 ACMs sa bansa sa buwan ng Agosto ngunit lampas pa ito sa commitment at nakapaghatid pa ng karagdagang 4,000 machines.

Inaasahan pa ng Comelec ang mas maraming batch na ihahatid ngayong buwan hanggang sa Disyembre.

“Pagdating ng September ay inaasahan natin ang 30,000 na makina na ide-deliver sa atin ng Miru. Pagdating ng October ay another 30,000 at pagdating ng December ‘yong natitirang balanse sa 110,000 ay madedeliver na ng Miru,” ani Garcia.

Pinirmahan ng Comelec at Miru Systems noong Marso ang P17.99 bilyong kontrata para sa paghahatid ng 110,000 voting machines, election management systems, consolidation and canvassing systems (CCS), ballot printing, ballot boxes, at iba pang peripherals.

Sinabi rin ni Garcia na naihatid na ng Miru ang mga sumusunod noong Agosto: CCS laptops, CCS printers, USB (universal serial bus) hub dangles, cable ties, toners, CCS box kits, hot ballots, laboratory text ballots, application servers, at database servers.

“Lahat po ito ay 100% nang nandito sa Comelec warehouse so natutuwa tayo dahil at least sa mga bagay na ito ay hindi namin sila ipe-penalty dahil base sa ating procurement law, bawat isang araw ng delay ay pwedeng silang ma-penalty,” ani Garcia. RNT/JGC