JAPAN – Pumasok ang isang Chinese navy survey ship sa territorial waters ng Japan nitong Sabado, Agosto 31, sinabi ng Japanese Defense Ministry.
Ito ay ilang araw lamang matapos na iprotesta ng Tokyo ang pagpasok ng isang Chinese military aircraft sa airspace ng Japan.
Ang pagpasok ng Chinese survey ship sa tubig ng Japan o sa Kagoshima Prefecture ay ika-10 pagkakataon na mula noong Nobyembre 2021.
Namataan ang barko na pumasok sa territorial waters kanluran ng Kuchinoerabu Island bandang alas-6 ng umaga, at umalis sa katubigan timog-kanluran ng Yakushima Island bandang 7:53 ng umaga.
Nagpadala ang Maritime Self-Defense Force ng minesweeper at patrol aircraft para imonitor ang barko ng China.
Ang survey vessels ay karaniwang ginagamit para magsagawa ng research sa underwater topography para sa submarine navigation.
Ngayong linggo rin ay iniulat ng Japan ang paglabag ng China sa airspace nito nang dumaan ang isang Chinese military spy plane sa dagat sa East China Sea, o malapit sa mga isla sa southwestern prefecture ng Nagasaki.
Sa mga nakalipas na taon, iniulat na paulit-ulit ding pumapasok ang mga barko ng China sa territorial waters ng Japan sa East China Sea, malapit sa Japanese-controlled Senkaku Islands, na inaagaw din ng China at tinatawag nilang Diaoyu. RNT/JGC