MANILA, Philippines – Mahigit 700,000 aplikante ang nagparehistro para bumoto sa 2026 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), halos kalahati ng target na 1.4 milyong bagong botante ng Commission on Elections (Comelec).
Batay sa datos ng Comelec, may kabuuang 768,263 indibidwal ang nagparehistro para sa 2026 BSKE noong Nobyembre 30, 2025. Sa bilang na ito, 600,275 ang kabuuang bilang ng mga regular na botante at 167,988 ang para sa Sangguniang Kabataan.
Ayon sa Comelec, umabot sa 164,233 ang mga bagong SK voters.
May kabuuang 845 ang inilipat sa ibang mga lungsod o munisipalidad, habang 224 ang inilipat sa loob ng parehong lungsod o munisipalidad.
Para sa mga regular na aplikante, o mga 18 taong gulang pataas, ang mga bagong aplikante ay nasa 211,197.
Sa kabuuan, 31,375 ang nag-apply para sa muling pagsasaaktibo ng kanilang boto.
Ipinagpatuloy ng Comelec ang nationwide voter registration para sa 2026 BSKE noong Oktubre 20, 2025, na tatakbo hanggang Mayo 18, 2026.
Exempted sa panahon ng pagpaparehistro ang mga lugar sa Bangsamoro dahil sa pagsuspinde sa kauna-unahang parliamentary na botohan.
Maaaring magparehistro ang mga aplikante mula Lunes hanggang Linggo, mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon, sa alinmang satellite registration sites o sa kani-kanilang Comelec office, ayon sa poll body.
Ang panahon ng pagpaparehistro ay bukas sa lahat ng uri ng aplikasyon, kabilang ang:
-paglilipat ng mga talaan
-bagong pagpaparehistro
-correction of entries
-reactivation of registration records
-pagsasama ng mga registration records
-pagbabalik ng pangalan sa listahan ng mga botante
Nauna nang sinabi ng Comelec na target nitong makapagparehistro ng 1.4 milyong bagong botante para sa 2026 BSKE sa kabuuan ng nationwide registration. Jocelyn Tabangcura-Domenden