Bumisita si Vice President Sara Duterte sa Senado para kay Senator Rodante Marcoleta. Sinalubong naman ito nina Senator Bong Go, Senator Bato Dela Rosa at Senator Imee Marcos. CESAR MORALES
MANILA, Philippines – Binatikos ni Vice President Sara Duterte ang desisyon ng House of Representatives na suspindihin si Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga ng 60 araw dahil sa disorderly behavior, at tinawag itong paraan upang patahimikin ang mga nagsasabi ng “hindi komportableng katotohanan.”
“Ang suspension ni Rep. Kiko Barzaga ay bahagi ng serye ng pagsisikap na patahimikin ang mga tinig na nagsasabi ng hindi komportableng katotohanan. Hindi ito ang unang beses na ang mga kritiko ng gobyerno ay tinutugunan ng parusang ganito,” ani Duterte.
Tinanggap ni Barzaga ang anumang parusa ngunit iginiit na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. “ay dapat panagutin sa kanyang mga krimen.”
Binigyang-diin ni Duterte na karapatan ang malayang pagpapahayag, aniya pa, “Karapatan ito ng bawat Pilipino, lalo na ng mga lingkod-bayan na may tungkuling magsiwalat ng katotohanan. Kaya kung ang isang halal ng bayan tulad ni Cong. Barzaga ay maaaring patahimikin, paano pa ang mga ordinaryong Pilipinong wala namang kapangyarihan o posisyon?”
Ayon kay House Ethics Committee chair JC Abalos, kabilang sa suspension ang pagkawala ng sahod at allowances, ngunit itinanggi niya ang anumang impluwensya mula kay Marcos. RNT