MANILA, Philippines – Umaasa ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na maipapasa bilang batas sa loob ng dalawang buwan ang panukalang magpapahigpit sa regulasyon ng social media.
Ayon kay DICT Secretary Henry Aguda, mapipilitan ang lahat ng social media platform, kabilang ang Meta, na sumunod sa sandaling maisabatas ang panukala.
“In 2-months time, baka pumasa na sa Senado yung final social media bill na sabi naman ni Meta…walang pag-aatubili yun na magko-comply sila ‘pag lumabas na yung batas so no choice si Meta to comply with the law,” ani Aguda.
Nauna nang inaprubahan ng isang House panel ang kahalintulad na panukala.
Kasunod ito ng puna ng Cybercrime Investigation and Security Council (CICC) sa mabagal na pagtanggal ng ilang social media platform sa violent content na may kaugnayan sa mga insidente ng pamamaril sa paaralan sa Pilipinas.
Nakipagpulong din kamakailan ang DICT, CICC at iba pang ahensya ng gobyerno sa mga kinatawan ng Meta sa Singapore upang talakayin ang mga hakbang laban sa child violence na iniuugnay sa marahas na online games. RNT/MDS