Home OPINION MAHIHINANG FIRE HYDRANT, PAANO?

MAHIHINANG FIRE HYDRANT, PAANO?

DALAWANG malaki at delikadong sunog ang magkasunod na naganap sa Metro Manila kahapon.

Nauna ang sunog sa Brangay Poblacion, Mandaluyong City.

Nasawi roon ang dalawang tao at nasa 50 bahay ang naabo o nasira.

Kinahapunan, dakong alas-3:00, nasunog din ang ilang ward ng Philippine General Hospital.

Mabuti at walang nasawi kundi naitakas lang ang nasa 200 na pasyente mula sa panganib.

Hindi na rin kinailangang ilipat sa ibang mga ospital ang mga pasyente.

Habang may sunog, inalerto ng Department of Health ang iba pang mga ospital para tumanggap ng mga posibleng mailipat sa kanila na pasyente mula sa PGH.

MAHINA ANG MGA HYDRANT

Sa pahayag ng mga bumbero sa Mandaluyong habang nagaganap ang sunog, kabilang sa mga nagpahirap sa kanila sa pagresponde ang mga mahihinang hydrant sa lugar, bukod sa masisikip na daan na imposibleng makapasok ang mga fire truck.

Napakahalaga ang pahayag ng mga bumbero at dapat itong maipaabot sa mga supplier ng tubig o sinomang water concessionaire na nakasasakop sa lugar.

Pero dapat na sakop na rin ang pahayag ng mga bumbero ang lahat ng water supplier sa Mega Manila, lalo na ang Maynilad at Manila Water.

Ang suplay ba ng tubig sa mga fire hydrant ay hiwalay sa suplay para sa mga normal na suki ng mga water supplier o konsesyonaryo?

Ang water pressure ba sa mga fire hydrant hiwalay sa mga water pressure para sa suplay ng mga karaniwang suki?

O pare-pareho ang lahat ng bigayan ng suplay ng tubig na kung mataas ang lugar ay mahina at kung mababa, malakas.

O ano ba ang mahalaga na punto sa suplay ng tubig para sa mga normal na suki at para sa mga nangangailangan ng atensyong emergency gaya ng sunog?

PAKONTI NANG PAKONTING SUPLAY

Lahat ng dam sa Luzon, kasama ang Angat dam, La Mesa dam at Ipo dam na supplier ng tubig sa Metro Manila,  ay iniuulat na pakonti nang pakonti ang deposito nilang tubig.

Ito’y dahil sa kawalan ng ulan na siyang pinagmumulan ng lamang tubig ng nasabing mga dam.

Ito ba ang pangunahing dahilan ng paghina ng suplay ng mga fire hydrant sa nasunugang lugar sa Mandaluyong City?

Dito naalala ng ULTIMATUM ang Laguna de Bay na posibleng pagkunan ng ispesyal na suplay ng tubig para sa mga fire hydrant.

Matanong tuloy natin, gaaano na kalaki ang proyekto ng Maynilad o Manila Water sa Laguna de Bay bilang pagmumulan ng suplay ng tubig sa Metro Manila at iba pang lalawigan na sinusuplayan ng mga ito?

Kung hindi man basta magamit ang tubig ng Laguna de Bay bilang tubig-inumin, baka pwedeng pagmulan ito ng malakas na suplay ng mga fire hydrant.

Baka naman pupwedeng pag-usapan din ito ng Metro Manila Council at tapikin ang Metro Manila Development Authority na magsagawa ng mga nauugnay na pag-aaral at proyekto para rito.

Previous articleNAG-AANYO
Next articleMagnitude 5.8 na lindol yumanig sa Japan!