Home OPINION NAG-AANYO

NAG-AANYO

ANO bang meron ang mga tinagurian at self-appointed na mga sugo ng diyos? Hindi
ako sigurado kung meron ba silang seryosong kakulangan sa wastong kaisipan o sobra
ba ang ‘delusion’ nila sa punto na kakaibang reyalidad na yata ang ginagalawan nilang
mundo.

Hindi bale sana kung ang kanilang mga pinaggagagawa ay walang epekto sa mga tao o
komunidad na sumusunod sa kanila, pero ang malala pa nga, umaabot sa mas
malawak na lipunan ang epekto ng kanilang mga desisyon at aksyon. At hindi lamangsa kongregasyon nila, minsan nga ay hanggang sa mga karatig na lalawigan o kaya ay
buong bansa pa ang apektado.

Naalala n’yo pa ba yung nagtayo ng kooperatiba raw pero halos parang kulto ang mga
ganap sa kanilang komunidad sa isang bayan sa Mindanao? Kinasuhan ang mga
leader ng qualified human trafficking, child abuse at iligal na pagkakasal ng mga bata.

Ang isa pa ngang dapat na panagutan nila ay ang pagkasira ng kalikasan dahil nilabag
nila ang kanilang ‘special permit’ na pangalagaan ang isang protected area na tinayuan
ng komunidad nila.

Halos ganoon din ang mga kasong inihain ng Senate Committee on Women, Children,
Family Relations and Gender Equality laban sa isang tinagurian ang sarili na “anak ng
diyos”.

Pero paanong magagawa ng mga “banal na tao” ang pagsasamantala at pag-abuso sa
kababaihan at mga bata? Hindi ba dahil mga relihiyoso sila ay magdududa tayo sa mga
akusasyong ganito? Parang ang hirap paniwalaan na kaya nilang gumawa ng ganoon
krimen, hindi ba?

Ayon sa teorya ng sosyolohiya tungkol sa mga kulto o milinaryanismo, pwede ngang
mangyari ang mga ganito. Sa mga samahan o organisasyon na tulad ng mga relihiyon
na nakasentro sa isang tao ang pagka-diyos, hindi malayo na sobra ang tiwala at
paniwala ng mga tagasunod.

Aabot ito sa punto na hindi na mauunawaan ng ordinaryong myembro kung tama pa ba
o mali na ang ginagawa ng lider, kasi nga “diyos” o “sugo siya ng diyos”.

At sa kabaluktutang iyan nauuwi sa pang-aabuso. Sugo nga ba sila ng diyos?

Tandaan natin, kahit ang demonyo ay nag-aayong anghel paminsan-minsan.

Previous articleANG LIBING NI KUMANDER COBRA
Next articleMAHIHINANG FIRE HYDRANT, PAANO?