Home OPINION ANG LIBING NI KUMANDER COBRA

ANG LIBING NI KUMANDER COBRA

WALANG nagawa at ‘di nabigyan ng “pagpupugay” ng New People’s Army ang burol at maging paglilibing kay Domingo Jaspe Compoc, a.k.a. Kumander Cobra, magdadalawang linggo na ang nakararaan sa Balilihan, Bohol.

Ang dahilan – mismong kanyang asawa na si Hermocila Villamor, na dati ring NPA ang nakiusap na nais nilang mairaos ang pagdadalamhati ng tahimik. Walang magarbong pagpapakita na ang namatay ay isang miyembro ng NPA.

Si Villamor na dating rebelde ay sumuko na noon pang 2016. Mayroon din silang anak na 29 anyos na naging NPA din ngunit mas naunang namatay sa kanyang ama noong nakaraang taon sa isa rin enkwentro laban sa mga tropa ng pamahalaan.

Kaya ganoon na lamang ang pakikiusap ni Villamor, hayaang magpahinga na at manahimik na ang kanyang asawang si Kumander Cobra, na napaslang din sa isang enkwentro kamakailan lamang.

Si Compoc, 58, kung minsan ay tinatawag ding “Ka Silong”  ay napatay sa sagupaan sa Purok 2, Matin-ao Dos ng Barangay Campagao, Bilar sa bayan ng Bohol noong Pebrero 23.

Bilang lider ng ‘guerilla front’ may patong ang ulo ni Compoc na P2.6 milyong pabuya dahil sa patong -patong na kaso ng rebeyon, homicide, attempted homicide, theft, multiple murder, frustrated murder at robbery.

Para sa kanyang may-bahay, kung ito ay sumuko rin noong panahon nang kanyang pagsuko, ‘di mangyayari ang sinapit ng kanyang  mahal sa buhay. Kaya nais niyang huwag na silang pakialaman ng NPA sa panahon ng kanilang pagluluksa.

Hindi niya matanggap ang pangyayari na siya ngang nagbalik-loob sa pamahalaan ay halos bumubuti na ang kalagayan dahil sa mga programa ng pamahalaan para sa mga magsisisukong mga rebelde.

Marahil, kung si Kumander Cobra ay sumuko din, kasama niya na ito sa kanilang pagbabago at tiyak na  bubuti ang kabuhayan at muling tatanggapin ng lipunan.

Ngunit hindi. Napatay ito kasama ang apat pa, na kinilalang sina Hannah Cesista, isang batang abogada; Perlito Historia; Marlon Omosura at Alberto Sancho.

Kumikikig pa ang Communist Party of the Philippines na ang lima raw nilang NPA members ay ‘di napalaban sa isang enkwentro sa halip ay talagang pinagpapatay.

Ang ‘di alam ng CPP-NPA, tukoy na tukoy ni Villamor ang lahat nang nangyari kung kaya’t ganoon na lamang ang kanyang panghihinayang sa buhay ng kanyang mahal sa buhay.

Maging ako rin naman ay nanghihinayang sa buhay ng limang NPA na napatay sa labanan. Pero kung sila ay sumuko rin, ‘di mangyayari iyon.

Previous article‘AMIGO’ AT ‘LUCKY’, UNTOUCHABLE PAIHI KINGS SA CALABARZON
Next articleNAG-AANYO