Home OPINION MAILAP NA TAGUMPAY VS DROGA

MAILAP NA TAGUMPAY VS DROGA

KAMAKAILAN  lang ay inanunsyo ni Philippine National Police chief PGen Rommel Francisco Marbil ang panibagong estratehiya sa laban ng  pulisya sa sa  problema ng droga sa bansa.

Ayon kay Marbil, ang puwersa ng PNP ay magsasagawa na ng recalibrated na pamamaraan kontra illegal drugs target ang pinagmumulan at supply chains kaysa street-level na  mga pusher at users.

Ang method na ito, aniya, ay idinisenyong maging epektibo at  hindi  marahas dahil isinaalang-alang ang karapatang pantao habang tinutugunan ang problema sa droga mula sa pinakaugat  nito.

Sinabi ni Marbil, ang na-recalibrate na estratehiya ay isang mahalagang hakbang tungo sa pagtamo ng layunin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa isang mas ligtas at mas secure na Bagong Pilipinas.

Maganda ang ipinakilalang  bagong anti-drugs strategy na ito ni Marbil dahil sa totoo lang, dapat ang mahuli ay ang mga source ng droga – hindi ang pusher at users –  para maputol ang supply chain.

Ang nakaraang mga  liderato ng PNP ay iniutos din ang pagsilo sa mga drug supplier pero hindi sila nagtagumpay dahil ang atas ay inupuan lang ng mga subordinate sa regional command at operating units.

Sa kanyang kilos ay nakikita natin ang willingness at sinseridad ni Marbil na tuldukan ang iligal na droga na matagal nang nagbibigay ng problema sa lipunan  at pamahalaan.

Pero ang tanong – siya kaya ay susundin? Kung hindi ay matutulad din ang kasalukuyang PNP chief  sa mga predecessor na nag-utos sibakin ang kadena ng supply ng droga pero hindi  nagtagumpay.

Kung ano- ano nang estratehiya ang ipinatupad pero sadya yatang mailap ang tagumpay ng pulisya kontra illegal drugs kaya suhestiyon natin kay Gen. Marbil – kailangan din niyang putulin ang kadenang nag-uugnay sa pagitan  ng suppliers ng droga at police coddlers at protectors.

Kapag nagawa ito’y tiyak na mawawala ang problema ng droga sa Pinas.